
Pangungunahan ni Cardinal Luis Antonio Tagle ang Banal na Misa sa St. Peter’s Square ngayong October 14 bilang kinatawan ni Pope Leo XIV, habang patuloy na nagpapagaling ang Santo Papa matapos ma-diagnose ng lung cancer.
Ito ang unang Misa ni Cardinal Tagle sa tanyag na plaza sa ilalim ng kanyang bagong posisyon bilang Dean of the College of Cardinals.
Bukod dito, kasalukuyan ding nagsisilbi si Tagle bilang Pro-Prefect of the Dicastery for Evangelization.
Ipinagkatiwala ng Vatican kay Tagle ang tungkulin matapos sumailalim ang 71-anyos na Santo Papa sa isang nakatakdang thoracic surgery sa Gemelli Hospital nitong Martes ng hapon.
Matatandaang kinumpirma ng Holy See Press Office at ng mga doktor na matagumpay na inalis ang ibabang bahagi ng kanang baga (lower lobe) ng Papa gamit ang isang video-assisted technique. Ang mga isinagawang intraoperative test ay pormal na kumumpirma sa naunang hinala na mayroong lung adenocarcinoma ang pontipika.
Tiniyak naman ng surgical team na naging maayos at walang anumang kumplikasyon ang 90-minutong operasyon. Mabilis na nakarekober ang Papa matapos ang pamamaraan, kung saan nakapaghapunan pa ito at nakipagsalamuha sa kanyang mga kalihim kinagabihan.
Inaasahang mananatili si Pope Leo XIV sa Gemelli Hospital sa loob ng isang linggo upang magpalakas bago muling bumalik sa kanyang mga opisyal na tungkulin.
Gaganapin ang Misa ng 10am, oras sa Vatican (4pm naman sa Pilipinas).


