
Kumpirmadong may lung cancer si Pope Leo XIV matapos itong sumailalim sa isang matagumpay na thoracic surgery sa Gemelli Hospital nitong Martes ng hapon.
Ayon sa opisyal na pahayag ng Holy See Press Office mula kina Dr. Luigi Carbone at Professor Stefano Margaritora, inalis ng mga siruhano ang lower lobe o ibabang bahagi ng kanang baga ng Santo Papa gamit ang isang video-assisted technique upang matiyak ang tuluyang pagtanggal sa apektadong bahagi.
Kinumpirma ng isinagawang intraoperative histological examination habang nag-oopera ang naunang hinala ng mga doktor na mayroon itong lung adenocarcinoma.
Tumagal ng humigit-kumulang 90 minuto ang mismong pamamaraan, habang nanatili naman sa operating room ang Santo Papa sa loob ng tatlong oras. Idineklara nina Margaritora, na siyang nanguna sa surgical team, at ng anesthesia team na naging matagumpay ang operasyon at walang naitalang anumang kumplikasyon.
Normal na nagising si Pope Leo matapos ang operasyon. Ayon sa pahayag ng Vatican, ibinalik siya sa kanyang silid sa ika-10 palapag ng ospital matapos ang maikling obserbasyon. Sinabi ni Holy See Press Office Director Matteo Bruni na humingi pa ng hapunan ang Papa at nakisalamuha sa kanyang mga kalihim at ilang kawani ng Vatican kinagabihan.
Isasailalim sa karagdagang pagsusuri ang inalis na tissue sa mga susunod na araw. Sa ngayon, walang pagbabago sa naunang inanunsyong isang linggong pananatili ng Santo Papa sa ospital upang magpalakas.
Inaasahang maglalabas ng panibagong update ang Holy See Press Office ngayong Miyerkules ng umaga hinggil sa kalagayan ng Papa at sa resulta ng mga inisyal na pagsusuri.


