(COURTESY: DPWH)
Pinabulaanan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon nitong Huwebes ang mga ulat na babalik siya bilang kalihim ng Department of Transportation (DOTr).
Ginawa ni Dizon ang paglilinaw matapos hingan ng reaksyon kaugnay ng kumakalat na balitang magkakaroon umano ng balasahan sa Gabinete kung saan muli siyang itatalaga sa pamumuno ng DOTr.
“Kayo naman puro kayo tsismis eh. Hindi totoo ‘yan,” pahayag ni Dizon sa isang panayam matapos magsagawa ng inspeksyon sa Maysan Road sa Lungsod ng Valenzuela kasama si Mayor Wes Gatchalian.
“Basta tayo, trabaho lang tayo. Kami ni mayor, kahit saan kami, trabaho lang kami… pero hindi totoo ‘yun. ‘Wag kayong maniwala,” dagdag pa ng kalihim.
Ang DOTr ang nagsilbing comeback ni Dizon sa gobyerno sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Pebrero 2025 nang mamuno siya sa Transportation department kapalit ni Jaime Bautista, na nagbitiw sa pwesto dahil sa mga isyung pangkalusugan. Makalipas ang halos pitong buwan, inilipat siya bilang pinuno ng DPWH matapos magbitiw si ex-Secretary Manuel Bonoan sa gitna ng flood control scandal.
Pinalitan naman si Dizon ni Giovanni Lopez bilang bagong hepe ng DOTr.
Pinabulaanan din ni Palace press officer Usec. Claire Castro ang mga isyu at sinabing walang natatanggap na impormasyon ang palasyo tungkol sa nasabing balasahan sa pamumuno.
Nitong Miyerkules, kinumpirma ni Executive Secretary Ralph Recto na pinalawig ang appointment nina Dizon at Lopez bilang mga acting secretary ng kani-kanilang mga ahensya at isusumite ng Pangulo ang kanilang mga pangalan sa Commission on Appointments.



