
Walang planong bumaba sa pwesto si Vice President Sara Duterte sa kabila ng patuloy na impeachment trial proceedings laban sa kanya.
“I will not resign. I will never resign from the Office of the Vice President,” saad ni Duterte ngayong araw, October 13.
Ngayon din ang ika-39 araw ng impeachment trial, kung saan nagdesisyon ang prosekusyon na bitawan ang tatlo sa apat na Articles of Impeachment at ititira na lamang ang Article II o ang alegasyon na may unexplained wealth ang bise.
Ang tatlong articles na binitawan ng prosekusyon ay ang Article I o ang paratang kaugnay ng maanomalyang paggasta sa confidential funds, Article III o ang umano’y bribery sa mga kawani ng Department of Education at Article IV o ang alegasyon ng tangkang pagpatay sa pangulo at kamag-anak nito.
Si Duterte ang kauna-unahang bise presidente sa kasaysayan ng Pilipinas na dalawang beses na-impeach ng Kongreso.
Unang in-impeach ng House of Representatives si Duterte noong February 5, 2025 ngunit nagpasya ang Supreme Court na unconstitutional ang pagkaka-impeach sa kanya dahil sa paglabag sa one-year rule.
Muli namang in-impeach ng Kamara ang bise noong May 2026 matapos pumabor ang 255 kongresista na dalhin ang kaso sa Senado.


