(SCREENSHOT: Facebook/Inday Sara Duterte)
DAVAO CITY (Bantay Media, Oktubre 6) - Pinabulaanan ni Bise Presidente Sara Duterte ang mga alegasyon ng korapsyon at panunuhol mula sa isang dating security aide sa pamamagitan ng paglalabas ng mga flight record, litrato, at opisyal na kalendaryo upang pasinungalingan ang mga paratang.
Sa isang press briefing, sinagot ni Duterte ang sinumpaang salaysay at mga pahayag ni Rodolfo Gracioso Jr. sa GMA News.
Inakusahan ni Gracioso, dating aide nina Marinduque Rep. Lord Allan Velasco at Rowena Velasco, na naghatid ang bise ng milyun-milyong pisong cash sa mga maleta, mamahaling sasakyan, at luxury items kay Duterte mula 2018 hanggang 2022.
Tinawag ni Duterte ang testimonya na gawa-gawa.
Kinumpirma niyang kilala niya ang mga Velasco, ngunit itinanggi niyang naging tauhan niya si Gracioso. Ayon kay Duterte, si Gracioso ay kabilang sa grupo ng mga lalaking inatasan ni Rowena Velasco upang magmanman sa kanyang asawa.
Upang pabulaanan ang mga paratang, ipinaliwanag ni Duterte na sakop siya ng mahigpit na protocol ng Presidential Security Group (PSG) mula 2016 hanggang 2022, na nagbabawal sa mga sibilyang drayber at hindi awtorisadong sasakyan na magmaneho para sa kanya. Nagpakita rin siya ng ebidensyang nasa Mindanao siya para sa kampanya noong Mahal na Araw ng 2019, at itinanggi ang byahe sa Cebu noong kasagsagan ng pandemya.
Nagbanta si Duterte na magsasampa ng P200 milyong kasong libelo laban sa GMA News dahil sa pag-ere ng hindi kumpirmadong detalye mula kay Gracioso, partikular ang pagtuturo sa umano’y bahay niya. Hinamon din niya ang National Bureau of Investigation (NBI) na sampahan ng kaso si Gracioso, matapos niyang sabihin na may ebidensyang nagpapatunay na kinausap ng NBI ang kampo ni Gracioso kalakip ang ipinangakong pabuya.
Nanindigan si Duterte na ang mga alegasyon ay atake sa pulitika at idiniin na susuportahan ng mga opisyal na dokumento ang kanyang depensa.
Mariing itinanggi ni Duterte ang pagtanggap ng mamahaling gamit, at kung gumagamit daw ito ng bag, ito raw ay para lamang may dalhin sa kanyang mga engagements.
“Wala akong tinanggap o pagmamay-ari na Hermes bag o Patek Phillip na relo. Meron kaming ‘no gifts policy’,” ayon kay Duterte.
Dagdag pa niya, nasa lahi umano ng kanilang pamilya ang diabetes. “Dahil dito umiiwas ako sa mga matamis na pagkain at bihira akong kumain ng chocolate,” sabi ng bise, sabay sundot na hindi raw Royce chocolates ang paborito nito kung sakaling kakain man siya ng mga matatamis.
Pinasinungalingan din niya ang alegasyong pagsundo sa kanya ni Gracioso sa isang pribadong hangar gamit ang puting van, dahil tanging ang PSG lamang daw ang may otoridad sa kanyang biyahe at seguridad mula 2016 hanggang 2022.
“Mula pa lamang sa simula ng termino ng aking ama, ipinaunawa na sa aming pamilya na ang mandato ng PSG ay kailangan sundin at ang PSG ang nangangasiwa ng aming seguridad... Alinsunod sa kanilang protocol, ipinagbabawal ng PSG ang ibang driver o security personnel na hindi kabilang sa PSG ang sumakay sa loob o magmaneho ng sasakyang ginagamit ko,” ayon sa Bise.
Tila naglabas din si VP Sara ng “resibo” ng kalendaryo at ebidensyang nasa Mindanao siya noong Mahal na Araw ng 2019, hindi sa Marinduque, gaya ng Nilinaw rin niyang ang luma nilang bahay sa Davao ay isang makitid na dating garahe, kaya walang “receiving area” tulad ng sinabi sa affidavit.
“Hindi totoo na pumunta ako sa Marinduque noong mahal na araw ng 2019... Panganim, may ebidensya ako na nasa Mindanao ako noong April 14 o Palm Sunday hanggang April 21 o Easter Sunday, 2019... Ang bahay namin noon ay masikip at makitid. Kaya’t wala itong receiving area.”
Sinabi rin niyang hindi galing sa isa pang testigo na si Ramil Madriaga ang ginamit na perang pambili sa kanyang Yamaha XSR900. Naglabas siya ng opisyal na resibo na nagpapatunay na sarili niyang pera ang pinambayad dito noong 2017.
Taliwas din sa alegasyong lumipad siya sa Cebu noong summer ng 2020, nagpakita si Duterte ng mga executive order na nagpapatunay na nanatili siya sa Davao upang pamunuan ang pagtugon ng lungsod sa COVID-19 lockdown.
“Hindi totoo na ako ay nasa Busay, Cebu noong bandang summer ng 2020 na panahon ng pandemic... Ako ay nasa Davao noong March 9, 2020 hanggang May 31, 2020 o buong summer. Ako ang nag-desisyon sa lahat ng gagawin sa syudad sa panahon na yun at binibigyan ko araw-araw ng update ang mga taga-Davao... Hindi ko kailanman iniwan ang mga taga-Davao sa taghirap,” ayon kay Duterte, na naging alkalde rin ng Davao mula 2016 hanggang 2022.
Sa kapareho ring presscon, sinabi ni Duterte na hindi muna siya magko-komento sa lagay ng impeachment trial at sa alegasyon ni dating Senador Antonio Trillanes, dahil ipauubaya na nito sa isa pa niyang tagapagsalita na si Atty. Paolo Panelo ang isyu. - PAOLO BARCELON




