(FILE PHOTO / Paolo Barcelon)
Pumalo sa 4.4 million ang bilang ng mga dayuhang turista na dumating sa Pilipinas mula Enero hanggang Agosto 2026, halos kapantay lamang ng 4.38 million na naitala sa parehong panahon noong 2025.
Ang pagbagal ng pagdagsa ng mga turista ay bunsod ng pagsasara ng Strait of Hormuz dahil sa sigalot sa Iran, na nagpasipa sa presyo ng jet fuel, nagpataas sa pamasahe sa eroplano, at nagdulot ng pagbawas ng mga byahe.
Ayon sa 3rd Quarter report ng Leechiu Property Consultants o LPC, nag-negatibo ang year-on-year growth rate ng foreign tourist arrivals sa bansa mula Mayo (-2%) hanggang Agosto (-5%) - taliwas sa mataas na pag-angat noong unang quarter ng 2026.
(COURTESY: Leechiu Property Consultants)
Sa kabila nito, tumaas nang humigit-kumulang 93% ang bilang ng mga Chinese tourist arrivals para sa quarter na umabot sa 303,000.
Ang pag-angat na ito ay natulungan ng ipinatupad na 14-day visa-free entry noong Enero at ng pagbabalik ng mga direktang flight mula China.
Samantala, bumagsak ng 22% ang bilang ng mga turista mula sa South Korea, na bumaba sa 744,000.
Ang Estados Unidos pa rin ang nangungunang pinanggagalingan ng mga dayuhang bisita na may 926,000 arrivals (tumaas ng 2%), na sinusundan ng South Korea, Japan (321,000), China, at Canada (237,000).
Inaasahan na ang kabuuang bilang ng mga turista sa pagtatapos ng taon ay mas mababa kumpara sa 2025 dahil sa mataas na presyo ng pagbiyahe.
Sa kabilang banda, patuloy ang malaking pamumuhunan ng mga private developer sa sektor ng hotel sa Pilipinas. Ayon sa 2026 Accommodation Pipeline Report ng LPC at ng Philippine Hotel Owners Association, mayroong 45,884 na idadagdag na kwarto sa 213 properties na pinopondohan ng PHP 387 billion ng private developers muna 2026 hanggang 2032. Nasa 70% ng planned hotels ay matatagpuan sa mga lugar na may direktang international flights, gaya ng Metro Manila, Cebu, Clark, Panglao sa Bohol, at Davao.
Ayon kay Adam Domingo, Senior Manager of Hotels, Tourism, and Leisure ng LPC, na kinakailangang bawasan ang “travel friction” o abala sa pagbibyahe upang mapataas ang bilang ng mga turista, gaya ng patunay sa paglago ng market mula Tsina at India. Hinikayat din niya ang pamahalaan na maglagay ng mga direktang international route patungo sa mga destinasyon tulad ng Puerto Princesa na hindi nagagamit nang husto ang paliparan.
Bukod sa mga nakasanayang destinasyon, tinukoy din ng LPC ang silangang bahagi ng Luzon, kabilang ang Rizal, Bulacan, Nueva Ecija, at Quezon, bilang isang emerging tourist markets na suportado ng mga bagong kalsada at tren, at mas malapit sa malaking domestic market ng Metro Manila.





