(COURTESY: PISTON)
Pumanaw na ang kilalang tsuper ng jeep at transport activist na si Elmer Cordero, na mas nakilala ng publiko bilang “Tatay Elmer” matapos itong maaresto dahil sa pagpoprotesta noong kasagsagan ng COVID-19 lockdown.
Kinumpirma ng transport group na PISTON (Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide) ang pagpanaw ni Cordero, na naging mukha ng pakikibaka ng mga maliliit na drayber laban sa sapilitang pagpapatigil sa pasada at sa isinusulong na Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program ng pamahalaan.
Kinumpirma rin ng kanyang official social media account handler na pumanaw si Tatay Elmer hapon ng October 7. Bago nito, inatake sa puso si Tatay Elmer noong September 30 sa kasagsagan ng isinasagawang transport strike.
Napukaw ni Tatay Elmer ng atensyon sa buong bansa noong Hunyo 2021 nang siya ay maaresto sa Lungsod ng Caloocan, kasama ang limang iba pang tsuper na binansagang “Piston 6.” Inaresto ang grupo habang nananawagan ng tulong at naggigiit na pabalikin sa pamamasada ang mga traditional jeepney matapos silang mawalan ng hanapbuhay dahil sa mahigpit na quarantine restrictions.
Umani ng matinding simpatiya mula sa publiko si Cordero, na noon ay 72-anyos, matapos siyang makulong ng ilang araw sa kabila ng kanyang katandaan. Bumuhos ang suporta at donasyon mula sa iba’t ibang sektor na naging daan upang makapaglagak sila ng piyansa para sa kanilang pansamantalang kalayaan.
Kahit nakalaya, nanatili si Tatay Elmer sa unahan ng mga rally at pagkilos hanggang sa mga huling taon ng kanyang buhay. Naging masigasig siyang tagapagsalita laban sa PUV phaseout, na tinawag niyang ‘anti-poor’ na polisiya na papatay sa kabuhayan ng libu-libong operator at tsuper.
Nagpaabot ng pakikiramay ang iba’t ibang progresibong grupo, mga kasamahan sa transportasyon, at mga netizen na kinikilala ang kanyang katapangan at hindi matatawarang dedikasyon sa pagtatanggol sa karapatan ng mga manggagawa sa lansangan.



