
Dapat asahan ng Meralco customers ang pagtaas sa kanilang singil sa kuryente ngayong buwan ng Oktubre bunsod ng pagtaas ng generation costs.
Ayon sa Meralco, tataas ng P0.32 kada kilowatt-hour (kWh) ang singil sa kuryente. Nangangahulugan ito ng dagdag na P64 sa bill ng mga kabahayang kumokonsumo ng 200 kWh; P96 para sa 300 kWh; P128 para sa 400 kWh; at P160 para sa 500 kWh.
Hindi pa kasama sa kasalukuyang kompyutasyon na ito ang epekto ng P2.6 bilyong refund na iniutos ng Energy Regulatory Commission (ERC) o ang inaprubahang P1.48 na pagtaas sa distribution charge ng kumpanya.
Ayon kay Meralco Head of Utility Economics Larry Fernandez, ang nasabing refund at adjustment mula sa rate reset ay inaasahang ipatutupad pa sa billing cycle sa Nobyembre, dahil hinihintay pa nila ang opisyal na kopya ng detalye mula sa desisyon ng ERC.
“Once we receive the order, then titingnan namin ang nilalaman nito at i-implement namin ‘yung magiging content ng order. By next month, sa tingin namin mai-implement namin pareho ‘yung refund as a result ng awat, at ‘yung adjustment naman as a result of the rate reset,” ani Fernandez.
Inaasahan na mag-o-offset o magbabalanse lamang ang dalawang direktiba sa susunod na buwan, na magreresulta pa rin umano sa bahagyang pagbaba ng pangkalahatang singil sa mga residential customer.
“Yung report sa AWAT [actual weighted average tariff/refund] ay magkakaroon ng impact sa households, sa residential, na mga 17 centavos. Pero ‘yung adjustment naman as a result of the reset will be around 13 [centavos]. So medyo pababa pa rin. Pero slight upward-downward adjustment,” paliwanag naman ni Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga.
Tiniyak din ng kumpanya na nakahanda sila sa posibleng epekto ng Super El Niño sa suplay at presyo ng kuryente, lalo na’t kadalasang nagtataas ng presyo kapag mataas ang konsumo ng publiko.
“Historically, kapag mayroong upward demand sa electricity, makikita naman din natin na may pressure for prices to go up as well. That is why it’s very important on the part of Meralco to secure ‘yung aming supply needs from our bilateral contracts and to ensure that we are ably covered,” dagdag ni Zaldarriaga.
Samantala, pinag-aaralan din ngayon ng power distributor ang magiging epekto sa mga susunod na billing ng walang-taning na pagsuspinde sa reserve market operations.



