Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Social Security System (SSS) President at Chief Executive Officer Robert Joseph de Claro bilang bagong kalihim ng Department of Information and Communications Technology (DICT) kapalit ng nagbitiw na si Henry Aguda.
Inanunsyo ng Malacañang ang pagtatalaga kay de Claro ilang araw matapos kumpirmahin ng Pangulo na tinanggap na nito ang pagbibitiw ni Aguda sa pwesto.
Si De Claro ang ikatlong kalihim na mamumuno sa DICT sa ilalim ng administrasyong Marcos, kasunod nina Ivan John Uy at Aguda. Papasanin niya ang ahensya sa gitna ng matinding pagsusuri ng Office of the Ombudsman kaugnay ng Free Wi-Fi initiative nito, kung saan iniimbestigahan ang umano’y “ghost internet scheme” o mga proyektong binayaran ngunit hindi gumagana o hindi naipatupad.
Sa inilabas na opisyal na pahayag, nagpasalamat si Aguda sa naging pagkakataong magsilbi sa bansa at tiniyak ang maayos na paglilipat ng kapangyarihan.
“I extend my heartfelt gratitude to President Ferdinand Marcos Jr. for the trust and opportunity to have served as Secretary of the Department of Information and Communications Technology (DICT). It has been a privilege and an honor to lead the Department and contribute to the country’s digital transformation agenda,” ayon kay Aguda.
“I am committed to ensuring a smooth and orderly transition, with the continuity of essential functions, operations, and ongoing digital initiatives safeguarded. I extend my sincere appreciation to the dedicated men and women of the DICT for their hard work, professionalism, and commitment to public service,” dagdag ng dating kalihim.
Bukod sa imbestigasyon sa connectivity projects, umani rin ng batikos ang panunungkulan ni Aguda—na nagsimula noong Marso 2025—dahil sa ilang naging hakbang tulad ng pansamantalang pag-block sa sikat na communication platform na Discord.
May higit 30 taong karanasan si De Claro sa larangan ng teknolohiya at pamamahala ng korporasyon. Nagsimula ang kanyang karera sa Nestlé Philippines noong 1993 bago humawak ng mga posisyon sa Australia at punong-tanggapan ng kumpanya sa Switzerland. Bago pumasok sa pamahalaan, naging pinuno rin siya ng mga kumpanyang People4u Incorporated, FutureNow Business Services, JMango Philippines, GlobalOne Solutions, at Cloud Sherpas sa Asia-Pacific region.
Nagtapos ng computer science degree na may espesyalisasyon sa information technology sa De La Salle University si De Claro bago sumapi sa Social Security Commission (SSC) noong Enero 2023 bilang kinatawan ng employers’ sector. Naitalaga siyang officer-in-charge ng SSS noong Oktubre 2024 at pormal na naging pangulo at CEO nito noong Disyembre ng parehong taon bago ang kanyang pinakabagong paglipat sa DICT.




