
Tiniyak ni Senate Finance Committee Chairperson Sen. JV Ejercito na dadaan sa matinding pagsusuri ng Senado ang panukalang P7.2-trilyong national budget para sa 2027 bago ito pormal na aprubahan.
Sa panayam sa “MEMO” ng Bilyonaryo News Channel nitong Miyerkules, ibinunyag ni Ejercito ang mga tinagurian niyang “red flags” o mga kahina-hinalang bawas at dagdag sa pondo na inilatag ng Kamara sa kanilang bersyon ng General Appropriations Bill (GAB).
“Natanggap na namin kahapon officially ‘yung hard copy ng GAB... At ang nakakapagtaka... nabawasan ‘yung mga pondo ng ilang programa,” ani Ejercito.
Kabilang sa mga kinuwestiyon ng senador ang P130-bilyong bawas sa foreign-assisted projects at ang P9.5-bilyong tapyas sa calamity fund ng National Disaster Risk Reduction and Management Council. Pinuna rin niya ang pag-alis ng P4.45 bilyon sa Health Facilities Enhancement Program ng Department of Health (DOH), pati na ang pagbawas ng P4.6 bilyon sa flood mitigation structures para sa mga major river basins.
Sa kabila ng mga tapyas, napansin ni Ejercito ang paglalaan ng malalaking pondo sa ibang programa. Kabilang dito ang P11.49-bilyong pagtaas sa budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH), P10-bilyong alokasyon para sa Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolks, at P8-bilyong dagdag para sa mga bagong flood mitigation structures. Kinuwestiyon din niya ang P5-bilyong dagdag na pondo para mismo sa Kamara.
Ayon kay Ejercito, kailangang balansehin ang paglalaan ng badyet batay sa “national priorities” at hindi sa “interest ng politika,” lalo na’t napakaliit lamang umano ng “fiscal space” o pondong maaaring galawin ng pamahalaan. Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang senador sa kanyang mga karagdagang staff at kay Senate President Chiz Escudero upang isa-isang busisiin ang mga probisyon ng badyet.
Sa halip na pondohan ang mga bagong flood control projects na wala sa master plan o hindi kabilang sa top flood-prone areas, isinusulong ni Ejercito ang pagkumpleto sa mga hindi pa tapos na proyekto. Iginiit din niya ang pagtutuloy sa pondo para sa foreign-assisted projects tulad ng mga railway system dahil mapapamahal lamang umano ang bansa kung maaantala ang mga ito.
Bukod dito, prayoridad ng senador ang pagtataas sa “PERA” o allowances ng mga guro at health workers patungong P5,000, at ang pagpapalawak sa “zero balance billing” sa mga ospital upang masakop ang mga indigenous peoples, senior citizens, indigent patients, at persons with disabilities.
Nangako si Ejercito na bibigyan ng sapat na oras ang mga “civil society organizations” na makisali sa mga budget hearings bago niya buuin ang committee report ng Senado.


