Pormal nang sumapi si Senador Mark Villar sa hanay ng mayorya sa Senado, kasabay ng kanyang pagkahalal sa mga bagong posisyon kabilang ang pagiging chairman ng Committee on Public Works at miyembro ng makapangyarihang Commission on Appointments o CA.
Nilinaw ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na ang paglipat ay sariling desisyon ni Villar upang maging “mas produktibo,” at itinangging may kinalaman ito sa pagbuo ng sapat na bilang ng boto para sa isang posibleng impeachment trial.
“He wants to join the majority to be more productive. So we welcome [him]. No politics involved,” pahayag ni Zubiri.
Ayon sa Senate Majority Leader - si Villar mismo ang nakiusap na lumipat dahil marami itong panukalang nais ipasa at nagpaplano ring umikot sa iba’t ibang bahagi ng bansa para sa pagbuo ng consensus.
Sa pag-apruba ng Senado, ipinaubaya ni Zubiri kay Villar ang kanyang sariling pwesto sa CA. Samantala, mismong si Senate President Pro Tempore Tito Sotto ang nag-segunda sa mosyon na ibigay sa senador ang pamumuno ng komite sa public works, isang pwestong dati na nitong hinawakan.
Bago ang paglipat sa mayorya, pinamunuan ni Villar ang Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship, at ang Committee on Banks, Financial Institutions, and Currencies. Ang kanyang panibagong papel sa public works ay direktang akma sa kanyang naging karanasan bilang dating kalihim ng Department of Public Works and Highways o DPWH.
Nang tanungin kung may iba pang senador mula sa minorya na inaasahang lilipat, sinabi ni Zubiri na wala siyang tiyak na impormasyon ngunit bukas ang kanilang hanay. Iginiit niyang lahat ng miyembro ng minorya ay malugod nilang tatanggapin kung sakaling naisin din nilang sumapi sa mayorya.



