
Hindi kailanman magbubukas muli ang direktang komunikasyon ng sandatahang lakas ng Pilipinas at Tsina maliban na lamang kung tuluyang iiwan ng Beijing ang agresibong pag-aangkin nito sa mga pinag-aagawang teritoryo.
Ito ang mariing inihayag ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. nitong Miyerkules sa gitna ng usapin ukol sa military-to-military (mil-to-mil) communications ng dalawang bansa.
Ayon kay Teodoro, mali ang mga kumakalat na balita na kamakailan lamang pinutol ang military hotline, dahil ginawa umano ito “tatlong taon na ang nakararaan”.
“Hindi ngayon nangyari ‘yan, matagal na ‘yan kasi inaabuso nila ang mga proseso natin. Walang value kasi walang structure ang communications flow at ito’y inaabuso lamang,” paliwanag ni Teodoro.
Binigyang-diin ng kalihim na ang mga diplomatic channel sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang nananatiling bukas para sa komunikasyon, habang hiwalay naman ang usapin sa Philippine Coast Guard dahil bahagi ito ng “civilian law enforcement”.
Nilinaw rin ni Teodoro na kailangang tuparin ng Tsina ang ilang kundisyon bago niya ikonsiderang buksan ang komunikasyon, kabilang na rito ang pagpapatupad sa 2016 Arbitral Award na nagbabasura sa nine-dash line claim nito.
“I think it’s logical kasi first and foremost, what are we doing as armed forces? It’s to uphold the arbitral award which says that the 9-dash line is fiction,” giit niya.
‘Troublemaker’
Sa kaparehong panayam, sinagot din ni Teodoro ang paratang ng China na ang Pilipinas ang “troublemaker” o nanggugulo sa rehiyon.
Ayon kay Teodoro, iisang bansa lamang ang panggulo. “Bakit ang ASEAN countries gusto sana ng Code of Conduct versus China or with China?... Bakit ang Japan? Bakit ang Korea? Bakit ang Australia?... pati Palau? Binatikos ang China. Tapos ang sagot ng China, provocative... Ang troublemaker dito ay China, maliwanag na maliwanag,” aniya.
Dinipensahan din ng kalihim ang kanyang posisyon laban sa pagtanggap ng mga “volunteer teachers” mula sa mga Chinese institution na diumano’y nagpapakalat ng maling impormasyon, partikular na ang pag-aangkin sa Batanes, dahil nakokompromiso umano ang seguridad ng bansa.
Sinagot din niya ang posibilidad na patuloy pang titindi ang tensyon hanggang 2028 elections, at binalaan ang publiko sa epekto ng anumang pagbabago sa liderato. “Very, very critical ang 2028 elections sa future ng Philippine defense and security policy. Sabihin natin, ang change ng policy ay damaging and disastrous sa ating future,” saad ni Teodoro.



