Agad na sinagot ni Reina Mercedes, Isabela Vice Mayor Harold Respicio ang hamon ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na magpa-drug test matapos sabihin ng kalihim na tila wala sa tamang pag-iisip ang bise alkalde.
“Ipapa-drug test ko muna. Parang wala sa sarili eh. Ayun lang. I advise him we will give him a drug test kasi mukhang adik eh ‘yung asal niya eh,” pahayag ni Remulla sa kalagitnaan ng isang panayam.
“Meron bang normal na vice mayor na ganun? Parang wala sa sarili eh, parang hindi halal,” dagdag pa ni Remulla.
Ilang oras lamang matapos hamunin ng kalihim - kumasa kaagad si Respicio sa kalagitnaan ng kanyang interview sa At the Forefront ng Bilyonaryo News Channel.
“Sabi niya mukha daw akong nagdru-drugs at dapat daw akong ipa-drug test. Secretary Jonvic, let’s go now! Today! Punta na tayo sa St. Lukes, samahan mo ako,” hamon niya sa kalihim, habang nakasalang sa panayam kasama si Atty. Karen Jimeno.
Pasado ala-una ng hapon, nag-post si Respicio ng larawan ng resibo ng drug test na kanyang kinuha.
Resbak niya sa kalihim: “Jonvic, refund mko.”
Idinagdag pa ng kalihim na iniimbestigahan na rin ang umano’y pambabastos ni Respicio sa isang pulis na nakatayo lamang habang sinisigawan nito, subalit ipinaubaya muna niya ang paghawak sa isyu kay Isabela Governor Rodolfo Albano III.
Sa kabila nito, pinanindigan ng bise alkalde ang naging pagwawala at iginiit na mas nararapat parusahan ang mga opisyal na gumagawa ng katiwalian at umaabuso sa kanilang bayan.
“Makikita naman nila ang lahat nangyari sa live. Parusahan nila ako. Pero ang gusto ko rin mangyari parusahan nila ang nagnanakaw sa bayan namin at ang nangha-harass ng tubig o farmers kasi mas mabigat ang parusa doon,” giit ni Respicio.
Nag-ugat ang bardagulan ng dalawang opisyal ng gobyerno matapos mag-viral ang paninigaw ni Respicio sa kalagitnaan ng isang Sangguniang Bayan session sa Reina Mercedes.





