(COURTESY: Facebook/Leandro Legarda Leviste)
Ipinaaaresto na ng Makati Regional Trial Court si Batangas 1st District Representative Leandro Leviste bunsod ng paglabag umano ng batang kongresista sa Public Services Act.
Inilabas ng Makati City Regional Trial Court Branch 235 ang kautusang arestuhin si Leviste noong Oktubre 5, 2026, na pirmado ni Presiding Judge Ricardo Moldez II.
Ayon sa warrant, nilabag umano ni Leviste ang Section 25 ng Commonwealth Act No. 146 o ang Public Service Act, na inamyendahan ng Republic Act No. 11659.
Sa panayam ng “Frontline sa Umaga” ng News5 nitong Miyerkules ng umaga, sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na ang kinakaharap na kaso ay direktang nauugnay sa operasyon ng mga public utility.
“Nakalagay po doon sa mandato de arresto na violation of Public Service Act, Sec. 25... tungkol po sa mga utilities ‘yan,” ani Matibag. Paliwanag niya, kabilang sa mga posibleng paglabag sa ilalim ng batas na ito ay ang “failure to deliver ‘yung commitment” at ang hindi paggawa sa mga itinakdang pamantayan.
Ang pag-iisyu ng arrest warrant ay sumunod sa malaking kontrobersiyang kinakaharap ng kumpanya ni Leviste, ang Solar Philippines. Matatandaang pinatawan ng Department of Energy (DOE) ang nasabing kumpanya ng P24-bilyong multa dahil sa umano’y kabiguan nitong tuparin ang mga pangakong mag-suplay ng 12,000 megawatts na kuryente sa bansa.
Nang tanungin kung ang mandato ng korte ay dahil sa mga isyung bumabalot sa nasabing mga solar contract, sinabi ng opisyal na malamang ay nauugnay ito roon. “Mukhang ito po siguro ‘yan dahil ‘yan lang naman po ‘yung ating naririnig na may nagkakaroon po ng kaso,” sagot ni Matibag.
Kahit na nakalista ang address ni Leviste sa Calatagan, Batangas sa kanyang warrant of arrest, sa kasalukuyan ay wala sa bansa si Leviste.
Ayon kay Matibag, huli siyang namataan na umiikot sa France at Germany. Upang mapasailalim siya sa hurisdiksyon ng korte, naglatag ng mga hakbang ang NBI para mapilitan itong umuwi.
Kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang kawanihan sa Bureau of Immigration upang matukoy ang status nito, at magsasagawa ng pormal na apela sa iba’t ibang ahensya upang ipawalang-bisa ang kanyang mga dokumento sa paglalakbay.
“Pwede po tayo mag-request through the help of DOJ (Department of Justice), papuntang DFA (Department of Foreign Affairs) para po makansela ‘yung passport,” pahayag ni Matibag. “And then din po sa House of Representatives, makarequest tayo na humingi po tayo ng cancellation ng kanyang travel authority.”
Pinag-aaralan din ng mga otoridad ang posibleng paghingi ng Interpol Red Notice, na isang pandaigdigang abiso upang mahanap at maaresto ang isang tao para sa extradition.
Gayunpaman, nilinaw ng NBI na kailangan pa nila itong isangguni at pag-aralan nang mabuti upang malaman kung kwalipikado ang kaso para rito.
“Kailangan po namin ipag-ugnayan... para po tayo magkaroon po tayo ng pamamaraan kung mapapasok po ito sa pagpapalabas po ng red notice na tinatawag po,” ayon kay Matibag.
Itinakda ng korte ang piyansa ng mambabatas sa halagang P72,000.




