(COURTESY: REGASCO)
Tinawag ni LPG Marketers Association (LPGMA) President at REGASCO head Arnel Ty na isang napapanahong “salbabida” para sa masa ang tatlong pisong (P3.00) bawas-presyo sa kada kilo ng liquefied petroleum gas (LPG) sa gitna ng pumapalong inflation rate sa bansa.
Kasunod ito ng inilabas na Executive Order No. 125 ng Palasyo, na nag-uutos sa Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) na pansamantalang suspindihin ang pangongolekta ng excise tax sa LPG at gaas. Bunsod nito, agad nagpatupad ang Regasco ng rollback na katumbas ng P33.00 tipid sa bawat karaniwang 11-kilogram na tangke.
Binigyang-diin ni Ty ang kahalagahan ng hakbang na ito matapos iulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na sumipa ang inflation sa 7.2 porsyento nitong Setyembre. Batay sa datos ng ahensya, ang mahal na halaga ng enerhiya at panggatong ang isa sa mga pangunahing nagtulak sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Ayon kay Ty, ang bawas-presyo ay hindi dahil sa pagbaba ng halaga ng petrolyo sa pandaigdigang merkado, kundi isang sakripisyo at direktang interbensyon ng gobyerno.
“Ang LPG price po sa international market ay patuloy pa rin pong tumataas, at ito pong pag-suspend ng excise tax... ay isang aksyon ng gobyerno upang maibaba ang presyo,” paliwanag niya.
Dahil LPG ang bumubuhay sa araw-araw na operasyon ng mga karinderya, panaderya, at restawran, inaasahang pipigil ang suspensyon ng buwis sa biglaang pagtaas ng overhead costs ng mga negosyo at sa higit pang pagmahal ng mga lutong pagkain.
“Sana po itong aking mensahe ay makarating sa ating mga kababayan, lalong-lalo na po sa ating mga consumer at LPG dealers,” pagtatapos ni Ty.


