
Halos kalahati ng mga Pilipino ang kritikal sa trabaho ni President Ferdinand Marcos Jr. sa loob ng nakaraang tatlong buwan, ayon sa September 2026 Pulse Asia Survey na inilabas ngayong araw, October 15.
Batay sa survey, 49% ng mga Pilipino ang hindi kuntento sa performance ni Marcos mula July hanggang September, habang 30% ang kuntento dito. Bahagyang tumaas ang approval rating ng pangulo mula 29% noong July.
Kapansin-pansin din ang pagtaas ng disapproval rating ni Marcos sa mga Pilipinong kabilang sa Class E o low-income group, na umabot sa 66% mula 52% noong July. Tumaas naman ang kanyang approval rating sa Class ABC o high-income group na nasa 37%.
Bagama’t bumaba ng dalawang percentage points ang approval rating ni Vice President Sara Duterte kumpara noong July, small majority o 54% pa rin ang kuntento sa kanyang performance. Samantala, 27% ang hindi kuntento sa kanyang performance.
Halos magkalapit naman ang porsyento ng mga undecided sa performance ng dalawang opisyal, na nasa 21% para kay Marcos at 18% para kay Duterte.
Ayon sa Pulse Asia, “virtually unchanged” ang performance at trustworthiness ratings ng presidente at bise presidente mula July hanggang September.
Isinagawa ang survey sa gitna ng nagpapatuloy na impeachment trial laban kay Duterte, mga imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control projects, pagpapaliban ng barangay at Sangguniang Kabataan elections, banta ng matinding El Niño, pagtaas ng presyo ng petrolyo, paghina ng piso kontra dolyar, tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea, at mga insidente ng pamamaril sa mga paaralan.
Inflation, most urgent concern ng mga Pilipino
Lumitaw din sa Pulse Asia survey na pagkontrol sa inflation ang tinukoy ng karamihan sa mga Pilipino bilang problemang dapat agarang tutukan ng pamahalaan na umabot sa 71%.
Pinakamataas ang porsyento ng mga respondent mula sa Class E na nagsabing dapat agarang tugunan ng pamahalaan ang inflation.
Iniulat ng Philippine Statistics Authority noong October 6 na pumalo sa 7.2% ang headline inflation rate sa bansa noong September, ang pinakamataas na naitala sa loob ng tatlong taon.
Pangunahing iniugnay ang pagtaas ng inflation sa mas mataas na presyo ng bigas, isda, gulay, at karne dahil sa epekto ng masamang panahon, pagtaas ng gastos sa transportasyon, at banta ng swine flu sa suplay ng baboy. Nakadagdag din sa gastusin ng mga Pilipino ang pagtaas ng upa sa bahay at presyo ng lokal na petrolyo.
Bukod sa inflation, 39% ng mga Pilipino ang tumukoy sa paglaban sa graft at corruption sa pamahalaan bilang most urgent national concern. Sinundan ito ng pagtaas sa sahod ng mga manggagawa na binanggit ng 36% ng mga respondent.
Isinagawa ang survey mula September 17 hanggang 24 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 2,400 Filipino adults na may margin of error na ±2 percentage points at confidence level na 95%.


