(COURTESY: Encyclopedia Britannica)
Binigyang-diin ni Pope Leo XIV ang lumalaking agwat sa pagitan ng makabagong pagtingin sa sekswalidad at ng tradisyonal na turo ng Simbahang Katolika, kasabay ng panawagan na suriin muli kung paano tinutugunan ng relihiyon ang mga nagbabagong pananaw sa sexuality at intimacy.
Sa pagbubukas ng isang malaking pagpupulong sa Vatican nitong Miyerkules, inamin ng Santo Papa na marami sa mga kabataan ngayon ang nahihirapang isabuhay ang Kristiyanong konsepto ng pag-aasawa sa kabila ng kanilang likas na paghahangad ng katapatan.
“In many contexts, a gap has widened between the way sexuality and intimacy are experienced and the Christian vision of marriage,” pahayag ni Pope Leo sa harap ng mga obispo mula sa 120 bansa, mga pinuno ng Eastern churches, theologians, at 11 lay couples.
Ang isang linggong pagpupulong ay inorganisa upang gunitain ang 10th anniversary ng sulat na “Amoris Laetitia” (The Joy of Love), ang kontrobersyal na dokumento na inilabas ng yumaong si Pope Francis noong 2016.
Bahagi ng muling pagsusuri sa pananaw ng Simbahan sa sekswalidad at pakikigpag-relasyon ay ang pagtalakay sa mga “sugatang” pamilya at mga nabigong kasal. Hinimok ng Santo Papa ang mga lider ng Catholic Church na pagnilayan ang mga “karanasan sa kahinaan” at maging mas maunawain sa halip na humusga.
Sa ilalim ng tradisyonal na batas ng Katoliko, ang mga divorcee na muling nagpakasal ay hindi maaaring tumanggap ng komunyon. Ngunit sa pamamagitan ng Amoris Laetitia, nagbukas ng daan si Pope Francis—na pumanaw noong 2025—para sa “case-by-case” na pagpapasya, bagay na tinutuligsa ng mga conservative Catholics.
Inaasahang maglalabas ng pinal na ulat ang assembly sa Vatican para balangkasin ang mga bagong direktiba ng Simbahan sa nasabing mga isyu.
Maliban sa isyu ng modernong sekswalidad at mga naghiwalay na mag-asawa, kabilang din sa inaasahang tatalakayin ang paghahanap ng mga paraan upang mas malugod na tanggapin ang LGBTQIA+ community, na isa sa mga pangunahing isinulong ni Pope Francis noong kanyang termino bilang lider ng Simbahan.



