(COURTESY: Ron Lach)
Iginiit ng Philippine Mental Health Association (PMHA) na dapat paigtingin ang mga proteksyon laban sa mapaminsalang online content sa social media sa halip na magpatupad ng “blanket ban” o ang paglilimita sa access ng mga menor de edad sa mga platform na ito.
Sa isang pahayag ngayong araw, October 9, sinabi ng PMHA na mahalagang turuan ang mga kabataan na bumuo ng healthy digital habits, tumukoy ng harmful content and behavior sa digital spaces at malaman kung kailan dapat humingi ng tulong.
“We support ongoing discussions around promoting online safety by design, and ensuring young people are empowered through support and digital literacy to navigate both online and offline spaces safely,” ayon kay Dr. Carolina Uno-Rayco, National Executive Director ng PMHA.
Naniniwala rin ang grupo na maaaring magbigay ng proteksyon sa mga kabataan habang iginagalang ang kanilang karapatang makipag-ugnayan, makihalubilo at matuto mula sa ibang tao, online man o offline.
Inilabas ang pahayag matapos makalusot sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang Senate Bill No. 2424 o ang Safe Media Access and Responsible Technology for Kids in Digital Spaces (SMART KIDS) Act kahapon, October 8.
Layon ng panukala na higpitan ang access ng menor de edad sa mga itinuturing na “high-risk digital services” tulad ng Roblox at Gorebox sa kabila ng mga kaso ng school shooting at youth-related violence sa bansa.
Sa ilalim ng panukala, kailangang suspendihin, i-restrict, i-disable o tanggalin ng mga naturang “high-risk digital services” ang mga account ng mga menor de edad.
Hindi naman saklaw ng panukala ang email services, private messaging services, online gaming services na hindi ginagamit sa social networking, educational platforms, news services at professional collaboration services.
Ngunit para sa PMHA, hindi magiging solusyon sa school shootings at iba pang youth-related violence ang paghihigpit ng access sa social media platforms ng mga menor de edad dahil may iba pang salik na nakaaapekto sa mga insidenteng ito.
Ani Dr. Uno-Rayco, “Preventing violence requires a comprehensive approach that includes mental health support, safe school environments, responsible online platforms, and early identification and intervention.”



