(COURTESY: PISTON Metro Baguio/Facebook)
Naglunsad ng protesta ang Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) Metro Baguio laban sa Public Transport Modernization Convention ng World Bank at Department of Transportation (DOTr) sa Baguio City ngayong araw, October 9.
Bitbit ng grupo ang mga panawagang tutulan ang World Bank jeepney phaseout at ang sapilitang pag-scrap ng mga jeepney.
Kabilang din sa mga panawagan ng PISTON ang pagsusulong ng rehabilitasyon sa halip na phaseout, gayundin ang pambansang industriyalisasyon sa halip na pag-angkat ng mga sasakyan mula sa ibang bansa.
Inilarawan ng PISTON ang World Bank jeepney phaseout bilang “mas malalang yugto ng ipinapatupad na PUV phaseout ngayon o ang tinatawag ng estado bilang ‘Public Transport Modernization Program.’”
Sa isang pahayag noong October 8, ipinaliwanag ng grupo na aalisin sa mga operator ang pagmamay-ari sa kanilang mga pampasaherong sasakyan sa pamamagitan ng sapilitang pag-scrap ng mga jeepney at lumang public utility vehicles (PUV).
Dahil dito, mapipilitang lumipat ang mga operator sa sistemang upahan o “leasing model,” kung saan uupa na lamang sila ng mga sasakyan mula sa malalaking korporasyon sa halip na magkaroon ng sariling pampasaherong sasakyan.
“Nakadisenyo ang sistemang upahan o “leasing model” para mapiga ang maximum na tubo mula sa mga tsuper, operator, at commuter at mapunta ito sa korporasyong nagpapaupa o leasing company,” dagdag ng grupo.
Nanindigan ang PISTON na malalaking korporasyon at dayuhang automanufacturer lamang ang makikinabang sa naturang sistema, habang nahaharap ang mga tsuper at operator sa mas mababang kita at ang mga commuter sa mas mahal na pamasahe at kakulangan ng mga sasakyan.
Giit ng grupo, “Walang sasantuhin ang ganitong balangkas ng phaseout, na sasaklawin pati na ang mga pumasok sa konsolidasyon ng kanilang prangkisa.”
Nilinaw naman ni DOTr Director for Franchise Review Atty. Emerson D. Palad na proposal pa lamang ang naturang framework.
“We want this convention to provide space where concerns can be raised openly, assumptions can be challenged, and practical suggestions can be brought forward. Let me therefore emphasize that the proposals we presented today are not yet final,” saad ni Palad.
Magkakaroon din ng kaparehong pagpupulong sa Iloilo sa Martes, October 13, bilang isa rin ito sa mga pilot area ng Area-Focused Public Transport Modernization Program ng World Bank at DOTr.



