Nanawagan ang Philippine Mental Health Association (PMHA) sa mga Pilipino na tanggapin at bigyang-pansin ang kahalagahan ng proactive preventive care sa mental health sa kabila ng epekto ng mga pang-araw-araw na problema sa kalusugan ng isip.
Ang PMHA ay isang non-governmental organization na nagtataguyod ng mental health awareness, nagbibigay ng accessible mental health services, at nagsasagawa ng mga programa upang mabawasan ang stigma at mapalakas ang mental well-being ng mga Pilipino.
Saad ng PMHA, nakaaapekto sa mental health ang mga pang-araw-araw na problema gaya ng traffic, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at academic at social pressures.
“Prioritizing your emotional well-being isn’t a flaw, nor is it a luxury. It is a basic human necessity. Taking care of your mind should be as normal and unashamed as seeing a doctor for a physical illness,” saad ni Dr. Jason Ligot, PMHA Public Relations Officer, sa isang pahayag nitong Lunes, October 5.
Ayon sa UNICEF, ang preventive mental health care ay tumutukoy sa mga hakbang na maaaring gawin upang mapanatili ang malusog na pag-iisip, maiwasan o mabawasan ang panganib ng mental health problems, at magkaroon ng healthy coping skills bago pa lumala ang mga suliranin sa mental health.
Ibinahagi rin ng PMHA na makatutulong upang mapanatili ang malusog na pag-iisip ang mga programa tulad ng school-based interventions, workplace emotional literacy sessions, at community support.
“Every Filipino deserves safe, accessible spaces to seek help without judgment,” ani Ligot.
Sa tala ng Philippine Statistics Authority, umabot sa 354 ang mga namatay sa buong bansa dahil sa intentional self-harm sa unang quarter ng 2026.
Ayon naman sa first-quarter data ng National Capital Region Police Office, 111 kaso ng suicide at self-harm sa Metro Manila ang naitala mula Enero hanggang Marso 23 ngayong taon.
Sa kabila nito, iginiit ng PMHA na hindi dapat ikahiya o isantabi ang mental health at dapat ituring ang pangangalaga rito bilang pangangailangan.
“Hindi pagtitiis ang sukatan ng lakas ng Pilipino. Ang tunay na lakas ay galing sa pag-aalaga at pagpapatibay ng ating sarili at ng isa’t isa,” saad ni Ligot.
—
Kung ikaw o may kakilala kang nangangailangan ng mental health support, maaaring i-contact ang mga sumusunod:
PMHA
📧 cisd@pmha.org.ph
NCMH Crisis Hotline
📞 1553
📱0917 899 8727
☎️ (02)7-989-8727



