(COURTESY: City Government of Muntinlupa)
Balak ialok ng Bureau of Corrections (BuCor) sa mga pribadong developer ang bahagi ng 375-ektaryang lupain ng New Bilibid Prison (NBP) site sa Muntinlupa City upang paupahan at gawing susunod na “global city” ng bansa.
Sinabi ni BuCor Director General Gregorio Catapang sa isang panayam sa programang The Spokes ng Bilyonaryo News Channel nitong Miyerkules na walang intensyon ang ahensya na ibenta ang nasabing ari-arian.
Sa halip, isasailalim ito sa isang long-term lease arrangement habang pananatilihin ng kawanihan ang bahagi ng espasyo para sa kanilang mga opisina kapag tuluyan nang naipasara ang piitan pagsapit ng 2028.
“Tutal napaikutan na kami ng mga first class subdivision, we will convert it to a ‘global city,’” pahayag ni Catapang. “Baka next week, we will announce to the private sector na this is up for grabs. Kasi prime lot po yung sa amin.”
Ibinida ng hepe ng BuCor na ang nasabing lupa ay isang prime real estate na di hamak na mas malaki kumpara sa Bonifacio Global City (BGC), na sumasaklaw lamang sa humigit-kumulang 240 ektarya.
Ayon sa inisyal na pag-aaral ng ahensya, ang pagpapaupa nito ay maaaring kumita ng P1 bilyon hanggang P2 bilyon, na gagamiting pandagdag sa kulang na pondo para sa imprastraktura at operasyon ng kawanihan.
Ang NBP sa Muntinlupa ay nagsilbing pangunahing at pinakamalaking piitan ng Pilipinas sa loob ng mahigit walong dekada. Itinayo ang pasilidad at opisyal na pinaglipatan ng mga bilanggo noong 1940 dahil sa labis na pagsisikip ng Old Bilibid Prison sa Maynila, na ginamit pa noong panahon ng mga Espanyol.
Sa paglipas ng panahon, mula sa pagiging liblib na lugar, ang Bilibid ay napalibutan na ng mga exclusive subdivision at mga commercial establishments na nagpataas sa land value nito
Ang plano sa redevelopment ay bahagi ng mas malaking hakbang ng pamahalaan na isara ang NBP sa 2028 upang tuluyang ilipat at ikalat ang mga persons deprived of liberty (PDL) sa iba’t ibang penal colonies at pasilidad sa bansa.
Ayon kay Catapang, umabot na sa 52,000 ang mga nakakulong sa mga pasilidad ng BuCor na idinisenyo lamang para sa 15,000 katao. Upang matugunan ang matinding siksikan, isinusulong umano ng kawanihan ang nasa 20 proyekto sa buong bansa na makapagbibigay ng karagdagang espasyo para sa 20,000 PDL.
Ani BuCor, sa pamamagitan raw ng pagpapaupa sa pamosong lupain, mananatili sa pamahalaan ang pagmamay-ari ng NBP habang ginagamit ang malaking commercial revenue potential nito upang pondohan ang modernisasyon at pagpapaluwag ng mga bilangguan sa bansa.



