
Binweltahan ng Malacañang si Vice President Sara Duterte matapos igiit ng Palasyo na tila pinatutunayan lamang nito ang mga hinala sa kanyang pakikipag-ugnayan sa Tsina kasunod ng mga ulat ukol sa Chinese remittances.
Sa isang press briefing nitong Martes, October 13, sinagot ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro ang mga paratang ni Duterte laban sa administrasyon.
Ang sagutan ay nag-ugat sa expose ni dating Senador Antonio Trillanes IV kamakailan, kung saan inakusahan niya ang Tapang at Malasakit Foundation ni VP Sara na tumanggap umano ng P150 milyon mula sa Chinese Embassy. Idinawit din ni Trillanes ang kumpanyang KL88 Foods Corporation na nakatanggap umano ng daan-daang milyong pisong pondo mula sa mga kumpanyang konektado sa China.
Ayon kay Castro, walang masama sa pakikipag-ugnayan sa Tsina kung ito ay lehitimong negosyo, ngunit kaduda-duda umano ang mga pondo ng bise presidente.
“Kung national threat ang pag-usapan natin, sinabi niya ay delikado na makipag-negosyo sa China, meron bang sinabi ang Pangulo na hindi pwedeng makipag-negosyo ang Pilipinas sa China? Parang wala. So another fake news,” giit ng tagapagsalita ng pangulo.
“Ang pinag-uusapan dito ay ang pakikipag-negosyo sa ibang bansa na ang pondo, kung mapapatunayan, ay para pondohan ang pamumulitika nila. Huwag kalimutan na nandiyan ang Tapat at Malasakit Foundation na di-umanong nakatanggap ng P150M from China. Hindi po ito negosyo maliban lang kung Tapang at Malasakit Foundation ay tinuturing niya ring negosyo. She is really into business with China,” dagdag pa ng opisyal.
Naging mainit ang palitan ng mga pahayag matapos sabihin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong October 11, 2026 ukol sa mga alegasyon: “If [the Chinese remittance allegations against VP Sara] is true, it is a national security issue... It is a threat at the highest level.”
Kinabukasan, October 12, 2026, sinagot ito ni Duterte: “Parang inamin na rin [ni PBBM na] simula noong 2023, itinuring niya akong threat.”
Pinaalalahanan naman ni Castro ang bise presidente na pakinggan at unawain muna ang buong konteksto ng pahayag ng punong ehekutibo bago maglabas ng reaksyon upang maiwasan ang maling impormasyon.
“Ang sabi ng Pangulo, kung may ebidensya, ito ay makukonsiderang national threat. So paanong sasabihin ng Vice Presidente na way back 2023 ay kinukonsidera na siyang isang national threat?” paliwanag niya.
Bukod sa foundation, kinuwestiyon din ng opisyal ng Palasyo ang operasyon ng KL88 Foods na nakapagtala umano ng milyun-milyong pisong pondo sa kabila ng pagkakaroon lamang ng dalawang empleyado at kawalan ng malinaw na opisina o pagawaan.





