(PHOTO COURTESY: NCRPO PIO)
Pupulungin ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga kinatawan ng mga paaralan at ahensya ng gobyerno ngayong mula October 8 hanggang 9 upang balangkasin ang mas pinaigting na mga security protocols kasunod ng mga naitalang banta ng karahasan sa mga paaralan sa bansa.
Ang dalawang araw na Metro Manila School Safety and Security Summit sa Diliman, Quezon City ay pinangunahan ni NCRPO Officer-in-Charge PBGEN Christopher Abrahano.
Layon nitong bumuo ng komprehensibong sistema para sa pag-iwas, pagtugon sa mga “active threat,” at pag-uulat ng mga kahina-hinalang aktibidad online.
Isinagawa ang hakbang na ito sa gitna ng magkakasunod na bomb at shooting threats na nagdulot ng class suspensions at pag-aalala sa iba’t ibang paaralan sa Pilipinas.
Kamakailan lamang sa Metro Manila, napilitang suspindihin ang mga klase sa San Beda College Alabang sa Muntinlupa City noong huling bahagi ng Agosto matapos kumalat ang isang umano’y banta ng pamamaril mula sa isang mag-aaral. Agad itong inimbestigahan ng mga awtoridad at kalaunan ay idineklarang ligtas ang campus.
Upang mapabuti ang kahandaan sa ganitong mga sitwasyon, isusulong ng pulisya ang pagtuturo ng ALICE (Alert, Lockdown, Inform, Counter, Evacuate) protocol bilang karaniwang tugon sa mga aktibong pag-atake.
Inaasahang ilalabas pagkatapos ng pagpupulong ang isang standardized na Threat-Reporting and Referral Framework, vulnerability checklists para sa mga kampus, at mga bagong panuntunan na sabay na ipatutupad ng NCRPO at pamunuan ng mga paaralan upang mapabilis ang pagtugon sa mga emergency.



