Sinimulan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon kaugnay ng posibleng money laundering at maling deklarasyon ng mga ari-arian na umano’y may kaugnayan kay Bise Presidente Sara Duterte.
Ayon kay NBI Director Atty. Melvin Matibag, sinusundan ng mga imbestigador ang daloy ng pera upang tukuyin ang pattern kung saan ginamit ang pondo pambili ng mga lupain, resort, at hotel upang itago ang pinagmulan at tunay na nagmamay-ari nito.
“Ang tinitingnan natin dito, ‘yung follow the money... Na pera, i-convert ‘yung pera sa land banking, sa resort, sa hotel. So it’s a part of laundering, paglalaba. Nilalabhan n’yo ‘yung pera, tinatago n’yo ‘yung pera,” pahayag ni Matibag nitong Lunes.
Kinuwestiyon din ng hepe ng NBI ang pagkakaiba ng idineklarang halaga at aktwal na gamit ng ilang ari-arian. Aniya, may mga lupang idineklarang agricultural sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) na kinatayuan umano ng mansyon, swimming pool, at helipad. Inaasahang isusumite ng NBI ang inisyal na report sa Office of the Ombudsman at Department of Justice sa lalong madaling panahon para sa kaukulang aksyon.
Mariin namang itinanggi ni Duterte nitong Martes ang mga paratang, at iginiit na ang isyu ng tagong yaman ay bahagi ng serye ng paninira laban sa kanya na nakakabit sa 2028 elections.
“Napansin ko lang ha, lahat na lang ng illegal ay ipinapahid nila sa akin... Saan ba nagsimula? Confidential funds, corruption. Actually mayroon pa ‘yan silang tried to link us with drugs. So korapsyon, droga, ngayon mayroon silang China funds. Ngayon may ill-gotten wealth,” giit ng bise presidente, sabay sabing ginagawa ang lahat ng isyu upang siya ay pabagsakin sa pulitika.
Umalma rin si Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte at tinawag na “trial by publicity” ang hakbang ng NBI. Hinamon niya ang ahensya na maglabas ng matibay na patunay ng pagmamay-ari at huwag magbase sa mga espekulasyon, partikular sa isang tinutukoy na resort sa Samal.
Bilang tugon, iginiit ni Matibag na nagbabase ang ahensya sa mga dokumento at hindi udyok ng pulitika. “The documents will never lie,” aniya.
Nilinaw rin ng NBI chief na ang pakikipagpulong ng ahensya sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) kamakailan ay hindi para sa imbestigasyon sa mga Duterte, kundi bahagi ng inter-agency coordination upang maiwasang bumalik ang Pilipinas sa grey list ng Financial Action Task Force (FATF).



