(COURTESY: Sen. Rodante Marcoleta/Facebook)
Tumestigo ang mga dating bodyguard at tinaguriang “maleta boys” ni dating House Speaker Martin Romualdez sa bail hearing nito ngayong araw, October 12, kaugnay ng kinakaharap na plunder case.
Unang iniharap ng prosekusyon si George Villalon Jr., isa sa mga dating bodyguard ni Romualdez na umano’y personal na naghahatid ng mga maletang naglalaman ng pera.
Nagpresenta rin ang prosekusyon ng 13-second video clip na umano’y kinunan ni Villalon bago ihatid ang mga maletang naglalaman ng pera sa tirahan ni Romualdez sa McKinley, Forbes Park, Makati City noong November 21, 2023 bandang alas-2 ng hapon.
Itinanggi naman ni Villalon na edited ang naturang video. Aniya, ipinadala pa niya ito sa kanyang asawa sa Messenger upang ipaalam na may mga ihahatid siyang maleta.
Ayon sa legal counsel ng mga ‘maleta boys’ na si Atty. Levito Baligod, haharap din bilang testigo ang isa pang dating bodyguard ni Romualdez na si Johnny Buduan.
Dumalo naman si Romualdez sa unang araw ng pagdinig sa pamamagitan ng video conference matapos itong payagan ng Sandiganbayan Third Division.
Kasalukuyang nakapiit sa New Quezon City Jail si Romualdez kaugnay ng kasong plunder isinampa laban sa kanya ng Ombudsman dahil sa umano’y natanggap nitong kickback sa flood control projects na aabot sa P7.44 billion.
Gaganapin ang bail hearings ni Romualdez mula ngayong araw hanggang November 12 tuwing Lunes, Martes at Huwebes.
Itinakda naman sa November 23 ang plunder hearing ng mambabatas.



