
Binalaan ng isang grupo ng mga supermarket ang publiko na hindi na sasapat ang 500 pesos na budget upang makabuo ng isang tradisyunal na handaan para sa Noche Buena ngayong taon.
Sa panayam sa programang Tandem ng Bayan sa DZMM Radyo Patrol 630, sinabi ni Philippine Amalgamated Supermarkets Association Executive Director Steven Cua na masyado nang maliit ang P500 para sa isang pagkaing karapat-dapat tawaging Noche Buena.
Ani Cua, imposible na umanong magkasya ang nasabing halaga kung ang inaasahan ng mga mamimili sa kanilang mesa ay ang nakasanayang hamon at queso de bola.
“Masyadong maliit na,” ayon kay Cua. “Pero realistically, if you want a meal worthy of being called noche buena, kakaiba, siyempre, medyo gastusan ng kaunti. Pero pag mamili tayo, may chance talagang pwede pagkasyahin. Kaya lang, siyempre, ang tao pag sinabi mong noche buena, nasa isip nila hamon, queso de bola, isang piraso lang di na kasya. Impossible na,” dagdag pa ni Cua.
Ang pagnipis ng budget ay bunsod ng unti-unting pagtaas ng presyo ng mga grocery, na hindi umano hinihimok ng papalapit na Pasko kundi ng mga “external factors” gaya ng lumalalang giyera sa Middle East na nagpapataas sa presyo ng krudo, ang paghina ng piso kontra dolyar, at ang pangkalahatang pagtitipid dulot ng mababang kumpiyansa sa ekonomiya bilang mga pangunahing dahilan ng pagmahal ng raw materials at finished goods.
Gayunpaman, nilinaw ni Cua na iniiwasan ng mga manufacturer ang malakihang isang bagsak na pagtaas ng presyo upang hindi maagaw ng mga mas murang brand mula sa labas ng bansa o sa Visayas at Mindanao ang kanilang market share.
Sa halip, madalas nilang pinipiling itaas lamang ang presyo ng kanilang mga premium brand upang tustusan o i-subsidize ang mga produktong pang-masa.
“Ang decision normally ng manufacturers is to increase prices in some of their products, not all at the same time,” ani Cua. “They don’t want to lose market share. So [they] increase products in some of their brands. Minsan, dalawang brand yan for the same product. Let’s say for coffee, dalawang brand. For sardines, dalawang brand, tatlong brands. So they will increase for brands which cater to the premium market, may kaya. Yan ang gagalawin nilang presyo,” dagdag niya.
Bukod sa limitadong budget, posibleng makaranas din ang mga mamimili ng kakulangan sa supply ng mga partikular na produktong pang-Pasko. Nag-iingat umano ang mga retailer na mag-overstock ng mga panindang babagsak ang demand pagkatapos ng kapaskuhan, gaya ng queso de bola at spaghetti.
Upang mapagkasya ang budget at maiwasan ang abala sa supply, payo ni Cua sa publiko na maging malikhain sa pagbuo ng menu, maghanap ng mga alternatibo, at bumili ng mga produkto sa sale section upang makatipid.
Aniya, maari umanong mamili ng mas maaga para sa mga pangangailangan sa halip na hintayin ang mismong bisperas ng Pasko o Bagong Taon, dahil karaniwang pagkain ang pinakahuling binibili ng mga tao.
Maari rin daw na maghanda na ng listahan bago mag-grocery, lalo na kung may inaasahang mga bisita, at iwasan ang hoarding o labis na pag-stock ng mga produkto, gayundin ang palagiang pag-check sa expiration date ng mga binibili.



