
Mga journalist pa rin ang pinagkakatiwalaan at pangunahing pinagkukunan ng balita ng mga Pilipino, ayon sa August 2026 National Momentum Survey ng Momentum Research.
Batay sa survey na isinagawa mula August 18 hanggang 23, tatlo sa apat na Pilipino o 76.5% ang nagtitiwala sa mga mamamahayag, habang 83.3% naman ang nagsabing sa kanila sila kumukuha ng balita.
Ayon sa Momentum Research, isang non-partisan research firm, hindi na lamang journalists ang maaaring pagkunan ng balita at impormasyon sa social media dahil naglipana na rin ang mga vlogger, content creator at influencer.
Sa kabila nito, 32.3% lamang ng mga Pilipino ang kumukuha ng balita mula sa content creators o vloggers at 64.1% ang hindi nagtitiwala sa kanila.
Nanatili ring mataas ang tiwala sa mga mamamahayag sa iba’t ibang pangkat ng edad, political affiliation at rehiyon ng respondents.
Sa age groups, Gen Z ang may pinakamataas na tiwala sa journalists na nasa 84.3%. Sinundan ito ng Millennials sa 78.9%, Gen X sa 74% at Baby Boomers sa 55.7%.
Batay naman sa political affiliation, pinakamataas ang porsyento ng mga Pro-Opposition na nagtitiwala sa mga mamamahayag sa 86.4%. Kabilang sa kategoryang ito ang mga sumusuporta kina dating Vice President Leni Robredo, Sen. Risa Hontiveros, Sen. Bam Aquino, at kanilang mga kaalyado, saad ng Momentum Research.
Sinundan ito ng Independents sa 81.1%, Pro-Marcos sa 78.9%, at Pro-Duterte sa 68.6%.
Sa mga rehiyon, pinakamataas ang tiwala sa mga journalist mula sa ibang parte ng Luzon, kabilang ang North, South at Central Luzon, na nasa 82.2%. Sumunod ang Visayas sa 74.5% at Metro Manila (73.6%). Mas mababa naman dito nang kaunti ang naitala sa Mindanao na nasa 68.4%.
Isinagawa ang August 2026 National Momentum Survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,487 respondents na may 95% confidence level, national margin of error na ±2.5% at subnational margins of error na ±6.9% sa National Capital Region, ±3.8% sa ibang parte ng Luzon, ±5.8% sa Visayas at ±5.5% sa Mindanao.


