
Dininig ng Senate impeachment court ang ilang administrative matters at manifestations ng prosecution at defense teams sa ika-39 na araw ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte kahapon, October 13.
Ito na muna ang huling araw ng pagdinig bago ang tatlong linggong break. Ipagpapatuloy ang impeachment trial proceedings sa November 9.
Narito ang mga naganap sa pagdinig kahapon:
3 sa 4 na Articles of Impeachment vs VP Sara, binawi ng prosekusyon
Binitawan na ng prosekusyon ang tatlong Articles of Impeachment o mga sakdal laban kay Duterte maliban sa Article II na may kinalaman sa unexplained wealth.
Dahil dito, maaaring mapawalang-sala o mahatulang guilty si Duterte batay lamang sa Article II.
Ang tatlong Articles of Impeachment na binawi ng prosekusyon ay ang mga sumusunod:
Article I o ang alegasyon ng confidential funds
Article III o ang alegasyon ng panunuhol sa mga kawani ng Department of Education; at
Article IV o ang alegasyon ng tangkang pagpatay sa pangulo at kamag-anak nito.
Ipinaliwanag ni House lead prosecutor Rep. Gerville Luistro na sapat na ang ebidensyang prinesenta nila upang tumayo nang mag-isa ang Article II.
Saklaw ng Article II ang tatlong usapin: unexplained wealth, violations involving the SALN, at unlawful business interests.
“All in, we believe that evidence is substantial and compelling and warrants the respondent’s removal from office for culpable violation of the Constitution and betrayal of public trust,” dagdag ni Luistro.
Ayon pa kay Luistro, may “practical benefits” din ang pag-focus sa iisang article of impeachment para sa Senado, kay Duterte at sa publiko.
Defense team, umalma sa desisyon ng prosekusyon
Umalma si lead defense counsel Atty. Sheila Sison sa naging desisyon ng prosekusyon at iginiit na maaaring malagay sa alanganin ang karapatan ni Duterte sa patas na paglilitis dahil naiharap na ang mga ebidensya laban sa kaniya bago binawi ang tatlong sakdal.
“The accusations have already entered the consciousness of those who must ultimately render judgment. In other words, the prosecution will thus retain the benefit of having its evidence heard while the respondent would be at risk of being denied the benefit of having that evidence contradicted,” saad ni Sison.
Bagama’t kinilala ni Sison ang prerogative ng prosekusyon na bawiin ang mga sakdal, iginiit nito na hindi dapat nito diktahan kung paano magpapatuloy ang depensa.
“The authority to streamline or to achieve speed in a trial is not the authority to diminish due process or to altogether disregard fundamental rules of fairness,” ani Sison.
Kinuwestiyon din niya ang paghahambing ng prosekusyon sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona, kung saan binawi rin ng prosekusyon ang ilang sakdal.
Ayon kay Sison, binawi ang lima sa walong articles of impeachment laban sa dating chief justice bago pa man magsimula ang presentasyon ng ebidensya, hindi pagkatapos ng pagdinig gaya ng nangyari sa kaso ni Duterte.
Impeachment court, tinanggap ang pagbawi ng tatlong sakdal vs Duterte
Tinanggap ng Senate Impeachment Court sa pangunguna ni Presiding Officer Chiz Escudero ang pagbawi ng prosekusyon sa Articles I, III, at IV sa impeachment case laban kay Duterte.
Hindi na rin makakapagpresenta ang bise ng sariling ebidensya sa paglilitis upang pabulaanan ang mga binawing sakdal, matapos magpasya si Escudero na sa natitirang sakdal lamang maaaring magharap ng ebidensya ang depensa.
Sa extended ruling ni Escudero, sinabi nito na ibinasura ang Articles I at IV nang may prejudice, nangangahulugang hindi na maaaring muling isampa ang mga ito laban kay Duterte sa isang impeachment trial habang siya ay nanunungkulan.
Maaari namang iharap muli ang Article III dahil binawi ito ng prosekusyon bago pa man magpresenta ng anumang ebidensya.
Inalis din ng korte ang mga restriksiyon sa mga pampublikong pahayag, na kilala bilang Rule 18 o sub judice rule, para sa Articles I, III, at IV.
“Upon the effectivity of this order, the separate merits of Articles I, III, and IV are no longer pending for adjudication. Accordingly, the prosecutors, the respondent, their respective counsels, and witnesses may publicly address, explain, and respond to any matter contained in those withdrawn articles,” saad ni Escudero.
Tinutulan naman ito ni Sison at nagbabala na maaari itong magbukas ng pagkakataon para sa walang habas na pagbibintang kay Duterte sa iba’t ibang lugar at pagkakataon.
Nanindigan naman si Escudero sa kanyang pasya at sinabing ang pag-alis sa restriksyon para sa tatlong binawing sakdal ay magbibigay ng pagkakataon kay Duterte na ipagtanggol ang sarili sa labas ng korte.
Nilinaw din ni Escudero na ang pag-alis sa restriksyon ay hindi nangangahulugang maari nang ilabas ng publiko basta-basta ang mga ebidensya kaugnay ng binawing mga sakdal lalo na kung saklaw ang mga ito ng confidential at legal protections.
Bago ang ruling, nagdeklara ng maikling recess si Escudero upang talakayin kasama ang senator-judges ang mosyon ng prosekusyon na bawiin ang tatlong sakdal.
Trial schedule sa November, inilabas ng impeachment court
Inilabas din ng Senate Impeachment Court ang bagong schedule ng impeachment trial proceedings laban kay Duterte para sa November nitong Martes.
Ayon kay Escudero, gaganapin ang mga pagdinig sa mga sumusunod na petsa:
November 9: Trial at 10 a.m., to suspend for Senate session at 3 p.m., trial to resume after session
November 10: Whole day trial from 10 a.m. onwards
November 11: Trial at 10 a.m., Senate may suspend for Senate session at 3 p.m. as needed
November 12: Whole day trial from 10 a.m. onwards
November 13: Whole day trial from 10 a.m. onwards
November 19: Whole day trial from 10 a.m. onwards
November 20: Whole day trial from 10 a.m. onwards
November 23: Trial from 10 a.m. to 2 p.m.
Walang pagdinig sa Lunes, November 30, dahil sa Bonifacio day.
Bagama’t 20 days nang mas maaga sa schedule ang paglilitis batay sa pre-trial order, sinabi ni Escudero na tatlong araw na lamang ang lamang nito pagsapit ng November 9 dahil sa nakatakdang halos tatlong linggong pahinga.
Aniya, walong araw ng paglilitis din ang mawawala sa Nobyembre dahil sa budget hearings, ASEAN summit, at iba pang holiday.
Magsisimula nang magharap ng ebidensya ang defense panel sa pagpapatuloy ng impeachment trial sa November 9.


