

Bumalik sa witness stand si forensic financial analyst Atty. Alexander Cabrera para sa cross examination ng defense panel sa ika-38 araw ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte kahapon, October 12.
Unang iniharap ng prosekusyon si Cabrera bilang testigo kaugnay ng Article II ng Articles of Impeachment o ang paratang na may unexplained wealth ang bise noong Biyernes, October 9.
Narito ang mga naganap sa pagdinig kahapon:
Ferrer, sinuri ang mga posibleng limitasyon sa forensic report ni Cabrera
Sinubukang ipakita ni defense counsel Atty. Kristine Ferrer ang mga posibleng limitasyon sa forensic report ni Cabrera.
Kinumpira ni Cabrera na hindi nila nasuri lahat ng bank documents ni Duterte, kanyang asawang si Atty. Manases Carpio at mga kumpanyang inuugnay sa kanila dahil sa limitadong oras.
Aniya, tatlong linggo lamang nila sinuri ang mga na-subpoena na bank documents pero mula Hunyo palang ay nagsimula na silang gawin ang forensic report dahil may nakuha na silang mga paunang dokumento tulad ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) documents.
Wala rin umanong documents na sinuri mula mismo kay Duterte at Carpio at hindi rin nakapanayam ang auditor at accountant ng mag-asawa, ayon sa testigo.
Inusisa rin ni Ferrer ang kredibilidad ni Cabrera bilang isang abogado at expert witness.
Inamin ng testigo na ito ang unang beses niyang humarap bilang expert witness sa isang kaso ng unexplained wealth o ill-gotten wealth.
“This is the first time po, and I hope it’s the last,” lahad ni Cabrera.
Unexplained wealth ni Duterte, maaaring umabot sa P1.5 billion — Cabrera
Isiniwalat ni Cabrera na posibleng umabot sa P1.5 billion ang unexplained wealth ni Duterte mula 2022 hanggang 2025, halos doble ng initial estimate niya na P817.87 million.
Ito ay matapos tanungin ni Senate Presiding Officer Chiz Escudero kung ano ang “sukdulang hangganan” o maximum estimate ng unexplained wealth ng bise.
Paliwanag ng testigo, posibleng umabot sa ganitong halaga ang unexplained wealth ni Duterte kung isasama ang umano’y P475 million confidential funds, gayundin ang P100 million mula sa maanomalyang AMLC transactions at P250 million ng GenCorp, isa sa mga kumpanyang idineklara ni Duterte sa kanyang Statement of Assets Liabilities and Net Worth.
Depensa, tinawag na ‘erroneous’ ang testimonya ni Cabrera
Tinawag ni lead defense counsel Atty. Sheila Sison na “erroneous conclusions of law and fact” ang mga testimonya ni Cabrera.
Umalma si House prosecutor Rep. Chel Diokno sa naging pahayag ni Sison at tinawag itong “conclusion of law and totally out of order.”
Hiniling din ni Diokno na ipa-strike off ang pahayag ni Sison ngunit hindi ito pinayagan ni Escudero dahil iyon umano ang naging paglalarawan ng depensa sa salaysay ni Cabrera.
Si Cabrera na ang huling testigong iniharap ng prosekusyon sa impeachment trial proceedings laban kay Duterte.
Ito ay matapos opisyal na bawiin ng prosekusyon ang Article III o ang alegasyon ng panunuhol o bribery sa mga kawani ng Department of Education ni Duterte.
Magpapatuloy ngayong araw, October 13, sa ganap na ala-1 ng hapon ang impeachment trial proceedings para i-finalize ang ilang administrative matters bago mag-break hanggang November 9.


