
Pinawalang-sala ng Sandiganbayan Special Second Division si dating Health Secretary at ngayo’y House Deputy Speaker Janette Garin sa mga kasong graft at technical malversation kaugnay ng kontrobersiya sa pagbili ng P3.55 billion Dengvaxia vaccines noong 2015.
Personal na dumalo sa pagdinig si Garin ngayong araw, October 13.
“This is a vindication not for me but are for scientists, our public health expert, at sa mga doktor na patuloy na naniniwala na kailangang kailangan serbisyuhan ang bawat Maria at Juan Dela Cruz,” saad ni Garin.
Inabswelto rin ng Sandiganbayan ang iba pang dating opisyal ng Department of Health (DOH) na sina ex-Undersecretaries Gerardo Bayugo and Kenneth Hartigan-Go, director Maria Joyce Ducusin, at dating Philippine Children’s Medical Center executive director Julius Lecciones.
Nauna nang binawi ng Department of Justice (DOJ) ang 98 counts ng kasong reckless imprudence resulting in homicide laban kay Garin at dalawa pang dating opisyal ng DOH noong January 2025.
Isang araw matapos i-withdraw ang kaso, naghain ng panibagong reklamo laban kay Garin ang Public Attorney’s Office sa DOJ hinggil sa mga namatay dahil sa Dengvaxia.
Ang Dengvaxia ay isang uri ng bakuna kontra Dengue mula sa international pharmaceutical company na Sanofi Pasteur.
Ginamit ito ng DOH sa nationwide dengue immunization program noong 2016, kung saan tinatayang nasa higit 800,000 na mag-aaral sa buong bansa ang naturukan.
Nabalot ng kontrobersiya ang Dengvaxia dahil sa reklamong inihain ng ilang magulang na nagkasakit at kalauna’y namatay ang kanilang mga anak matapos maturukan ng naturang bakuna.


