
Muling naging sentro ng mahabang talakayan ang bulto ng mga ebidensya at testigo laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ika-apat na status conference ng kanyang kaso sa International Criminal Court (ICC), kung saan nabigo ang magkabilang panig na magkaroon ng pinal na kasunduan ukol dito.
Hinimok ni Presiding Judge Joanna Korner ang panig ng prosekusyon na salain at bawasan ang isusumiteng ebidensya upang maging mas mabilis at matipid sa oras at yaman ang takbo ng paglilitis.
Ipinagtanggol naman ni Senior Trial Lawyer Julian Nicholls ang nasa 18,000 data sets na kasalukuyan nilang sinusuri. Kabilang dito ang isang government accomplishment report noong 2017 na nagtatala ng 3,967 nasawi sa war on drugs, na sinabi ni Nicholls na suportado ng mga direktang testimonya at open-source accounts.
Gayunpaman, iginiit ni Korner na walang magagawa ang korte kung hindi mag-uusap at magkakasundo ang dalawang panig upang limitahan ang mga ito.
Sa usapin ng mga testigo, ibinaba na ng prosekusyon ang listahan ng kanilang tatawagin sa 173 mula sa orihinal na 193, habang pinag-aaralan na rin ng depensa ang pagpapaikli ng kanilang sariling listahan. Iminungkahi rin ng kamara ang paggamit ng Rule 68(3) na pumapayag sa pagpasok ng mga nauna nang naitalang testimonya upang makatulong sa pagpapabilis ng proseso.
Sa pag-asang magsisimula ang paglilitis sa Nobyembre 30, umapela si Defense Counsel Peter Haynes na magkaroon ng “block scheduling” na may malinaw na breaks kaysa sa isang tuloy-tuloy na pagdinig.
Giit ni Haynes, mahalaga umano ito ito sa “mental welfare” ng dating pangulo upang mabigyan ng pagkakataong makabisita ang kanyang mga kaanak mula sa Pilipinas, na karamihan ay mga politiko at law students. Nangako naman si Korner na ikokonsidera ang kahilingan sa iskedyul kapag natukoy na ang unang testigong isasalang.
Ang pagdinig noong Martes, na inilaan para plantsahin logistical details ng ICC trial ng dating Pangulo, ay ang ikalawang pagkakataong personal na humarap si Duterte sa ICC mula noong Setyembre.
Nahaharap siya sa tatlong counts ng crimes against humanity kaugnay ng umano’y kinalaman niya sa hindi bababa sa 76 na pagpatay sa ilalim ng kanyang kampanya laban sa ilegal na droga mula 2013 hanggang 2018.





