
Sisimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa susunod na linggo ang pamamahagi ng mga water filtration kit upang tulungan ang mga komunidad na kinakapos sa suplay ng malinis na tubig dulot ng Super El Niño.
Sa isang press briefing sa Malacañang nitong Miyerkules, ipinakita ni DSWD Secretary Rex Gatchalian kung paano madaling ikabit at gamitin ang filtration system.
Upang patunayan na ligtas at malinis ang tubig na nagmula sa filter, mismong si Gatchalian at Palace Press Officer Usec. Claire Castro ang uminom nito sa harap ng media.
Ayon kay Gatchalian, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapalakas sa paghahanda ng mga ahensya laban sa tagtuyot. Sabay-sabay na ilalarga ang pamamahagi sa buong bansa, ngunit uunahin ang mga lugar na idineklara na sa state of calamity at ang mga siksikang komunidad sa Metro Manila na nakararanas ng mahinang water pressure.
Nagtataglay ang mga kit ng 0.1-micron filter na kayang salain ang mga bakteryang nagdudulot ng cholera, salmonella, E. coli, at coliform. Inaprubahan din ito ng Food and Drug Administration (FDA) matapos pumasa sa mga pamantayan ng Philippine National Standards for Drinking Water (PNSDW).
Kasama sa kit ang bucket adapter filter assembly, drill bit, filter hanger, at cleaning plunger. Hindi nangangailangan ng kuryente, makinarya, o kemikal ang pagpapatakbo nito, at maaari itong tumagal ng hanggang limang taon kung aalagaang mabuti.
Upang matiyak na magagamit ito nang tama, magsasagawa ang DSWD ng mga sesyon sa mga barangay kung saan tuturuan ang mga residente kung paano butasin ang kanilang mga balde at ikabit ang filter sa loob lamang ng siyam na hakbang. Maglalabas din ang ahensya ng mga instructional video sa kanilang Facebook page upang gabayan ang publiko sa paglilinis at pagmamantine ng mga kagamitan.
Mula pa noong 2024, ginagamit na ng DSWD ang mga katulad na filtration kit bilang tugon sa mga komunidad na nawawalan ng malinis na inuming tubig matapos ang mga kalamidad.


