
Pormal nang idineklara ni dating Department of Finance (DOF) Undersecretary at propesor sa University of the Philippines (UP) na si Dr. Cielo Magno ang kanyang kandidatura para sa Senado sa darating na 2028 national elections.
Sa kanyang pagtakbo, layunin ni Magno na dalhin sa lehislatura ang kanyang malawak na karanasan sa ekonomiya at public policy upang isulong ang mga batas para sa mas makatarungang sistema ng pagbubuwis.
Matatandaang naging sentro ng pambansang usapin si Magno noong Setyembre 2023 nang hingin ng Malacañang ang kanyang pagbibitiw at lisanin ang posisyon sa DOF. Nag-ugat ang pagkakasibak sa kanya matapos siyang mag-post ng isang graph ukol sa law of supply and demand na itinuring ng administrasyon bilang tahasang pagpuna sa ipinatupad na rice price cap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ilalim ng Executive Order No. 39.
Matapos ang kanyang stint sa gobyerno, bumalik si Magno sa pagtuturo sa UP School of Economics at lalong nakilala sa kanyang pagiging content creator. Madalas siyang naglalabas ng mga video sa TikTok at Facebook upang himayin at ipaliwanag ang pambansang badyet, inflation, at iba pang kumplikadong konseptong pang-ekonomiya sa wikang madaling maintindihan ng ordinaryong mamamayan.
Bukod sa kanyang presensya online at sa loob ng silid-aralan, naging aktibo rin si Magno sa lansangan sa pamamagitan ng paglahok sa iba’t ibang kilos-protesta. Madalas siyang nakikitang nakikiisa sa mga progresibong grupo at estudyante upang manawagan para sa good governance, karapatang pantao, at mga repormang nakasentro sa kapakanan ng mga manggagawang Pilipino.


