(COURTESY: DOTr)
Hinikayat ng Department of Transportation (DOTr) ang mga kumpanyang Europeo na mamuhunan sa mga proyektong pangtransportasyon ng Pilipinas upang mapabilis ang pagpapaunlad ng imprastraktura sa pamamagitan ng public-private partnerships (PPP).
Sa ASEAN 2026 Transportation Forum na inorganisa ng European Chamber of Commerce of the Philippines (ECCP), inilatag ng DOTr ang mga oportunidad para sa mga dayuhang mamumuhunan. Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palawakin ang partisipasyon ng pribadong sektor sa pagpapahusay ng sistema ng transportasyon sa bansa.
Ayon kay DOTr Undersecretary for Planning and Project Development Teodorico Delfin, mahalaga ang papel ng mga bansang katuwang at ng pribadong sektor sa pagpapabilis ng pagbiyahe ng mga tao at paghahatid ng mga produkto.
Kabilang sa mga pangunahing proyektong inilapit ng ahensya sa mga mamumuhunang Europeo ang Metro Manila Subway Project, North-South Commuter Railway (NSCR) at Subic-Clark-Manila-Batangas Railway.
Inaasahang makatutulong ang huling proyekto na mabawasan ang pagsisikip ng trapiko sa Metro Manila sa pamamagitan ng direktang pagkonekta sa mga pangunahing daungan sa Subic, Maynila at Batangas, gayundin sa Clark Freeport.
Ibinida rin ni Delfin ang mga hakbang para sa pribadong pamamahala at modernisasyon ng mga paliparan, kabilang ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Laguindingan Airport at Bohol-Panglao International Airport.
Ayon sa kanya, ipinapakita ng mga proyektong ito ang pagiging bukas ng Pilipinas sa PPP upang mapahusay ang operasyon at mapalago ang halaga ng mga pasilidad sa transportasyon.
Kasama rin sa mga plano ang pagsasaayos ng iba pang paliparan sa rehiyon, kabilang ang mga nasa Bicol, Davao at Siargao.
Sumang-ayon naman si ECCP President Dr. Diana Edralin sa kahalagahan ng pamumuhunan sa transportasyon upang mapalakas ang integrasyon at paglago ng ekonomiya sa rehiyon ng ASEAN.
“Economic growth cannot exist without seamless sustainable mobility. Transport is the nervous system of ASEAN’s integration. Every highway built, every flight path modernized and every port digitized accelerates our trade, drives regional prosperity and brings stations closer together sustainably,” ani Edralin.
Samantala, inilahad nina Senior Undersecretary for Road Transport Mark Steven Pastor at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Director General Raul Del Rosario ang mga reporma sa polisiya sa kani-kanilang sektor upang matiyak na ligtas ang mga proyekto at sumusunod ang mga ito sa mga internasyonal na pamantayan.
Ayon kay Del Rosario, layon ng mga hakbang ng ahensya sa digital modernization at mga reporma sa batas na mapanatiling ligtas at mapagkumpitensya sa pandaigdigang antas ang sektor ng civil aviation ng Pilipinas.



