(COURTESY: Naga City Tourism)
Umani ng magkakaibang reaksiyon ang naging pagtanggap ni Naga City Mayor Leni Robredo sa courtesy visit ni Israeli Ambassador to the Philippines Dana Kursh noong Lunes, October 5.
Sa mga larawang pinost ng Naga City Tourism sa Facebook, makikitang nakipagkita si Kursh kay Robredo sa city hall at binisita ang mga cultural site sa lugar tulad ng Museo ni Jesse Robredo at Huna Huna Art Space.
Ayon kay Kursh, bumisita siya sa Albay at Naga City upang makipagpulong sa mga lokal na opisyal at talakayin ang mga posibleng paraan upang higit na mapalakas ang ugnayan ng Israel at Pilipinas.
Bukod kay Robredo, binisita rin ng Israeli ambassador sina Albay Governor Noel Rosal at Bicol University President Dr. Baby Boy Benjamin D. Nebres III.
Walang mali sa pagtanggap ni Robredo kay Kursh — political analyst
Walang nakikitang mali si political analyst Prof. Edmund Tayao sa naging pagtanggap ni Robredo sa courtesy visit ni Kursh.
Aniya, dapat suriin ang mga ganitong pagpupulong batay sa tungkulin ng isang lokal na opisyal at sa layunin ng pagbisita.
“Naga is not a state. Naga is not the whole Philippines, and the role of Naga at best is to promote Naga,” pahayag ni Tayao sa isang panayam ng Bantay Media.
Sinabi pa ng propesor, hindi rin niya nakikitang nangangahulugan ang pagpupulong na ineendorso ni Robredo ang mga aksiyon ng Israel sa Gaza.
“The observation suggesting that she appears to be endorsing it, even if she wanted to, I don’t think that is possible to happen. She simply doesn’t have the official capacity,” paliwanag ni Tayao.
Dagdag niya, may diskresyon ang alkalde na tanggihan ang naturang pagbisita.
Ngunit, kung layunin ng lungsod na itaguyod ang turismo at lokal na produkto nito, isa umanong pagkakataon ang courtesy visit upang ipakilala ang Naga sa mga dayuhang bansa.
“If you really want to promote tourism, you want to promote your local economy, your crafts, your products. Why will you say no? It’s actually an opportunity and especially for Israel, even if it’s a small country, it’s one of the wealthiest countries in the Middle East,” aniya.
Hindi rin umano nakikita ni Tayao na magkakaroon ng malaking implikasyon sa political image ni Robredo ang naturang courtesy visit.
PPFA kay Robredo: Do not be complicit in the genocide
Kinondena naman ng Philippines-Palestine Friendship Association (PPFA) ang pagtanggap ni Robredo kay Kursh noong October 5 at iginiit na may “political significance” ang pakikipagkita ng alkalde sa isang opisyal ng Israel.
Ayon sa grupo, hindi dapat gamiting dahilan ang “diplomacy” sa pagtanggap kay Kursh lalo na sa kabila ng pandaigdigang pagkondena sa Israel kaugnay ng mga alegasyon ng war crimes at international humanitarian law violations.
“‘Friendly’ diplomatic gestures toward Israeli officials while Palestinians suffer dismiss the human cost of Israel’s policies,” saad ng PPFA.
Dagdag pa ng grupo, bahagi umano ng pagpapalawak ng impluwensiya ng Israel sa mga patakaran at programa ng Pilipinas ang pagbisita ni Kursh sa mga lokal na opisyal sa Bicol.
“While Palestinians and Filipinos face devastation and deprivation, the government continues to do business with Israel as usual,” ani ng grupo.
Noong May 2026, nagpulong ang Department of Trade and Industry at Ministry of Economy and Industry ng Israel upang talakayin ang pagpapalawak ng trade and technology collaboration ng dalawang bansa sa ilalim ng Pax Silica Initiative na pinangungunahan ng Estados Unidos.
Samantla, ayon sa Stockholm International Peace Research Institute, ang Pilipinas ang ikatlong pinakamalaking importer ng mga armas mula sa Israel, na bumubuo ng 8.1% ng kabuuang arms exports ng Israel mula 2020 hanggang 2024.
Naging kontrobersyal din ang pagdami ng mga Israeli sa Siargao at ang ilang insidenteng kinasangkutan nila. Kabilang dito ang naiulat na pag-atake ng dalawang Israeli national sa isang business establishment na may pro-Palestinian flag noong May 2026.
Para sa PPFA, mas naging kapansin-pansin at kontrobersyal din ang naturang courtesy visit dahil pinost ang mga larawan noong October 7, kasabay ng ika-3 taong anibersaryo ng Al-Aqsa Flood.
Ang Al-Aqsa Flood ay isang operasyong inilunsad ng Islamic Resistance Movement (Hamas) noong October 7, 2023 laban sa pananakop ng Israel sa Gaza Strip. Nasa 1,200 katao ang ibinalitang namatay dahil sa operasyon.
Dahil dito, mas pinaigting ng Israel ang 16 na taong blockade nito sa Gaza Strip.
Batay sa tala ng Palestinian Ministry of Health, tinatayang 74,000 Palestinians na ang namatay habang 175,000 ang nasugatan dahil sa pag-atake ng Israel mula October 7, 2023.
Bagama’t nagkaroon ng “ceasefire” noong October 10, 2025, nagpapatuloy pa rin ang pag-atake ng Israel sa mga Palestino sa Gaza Strip at West Bank, ayon sa Human Rights Watch.
“Silence and complicity are unacceptable as Palestinians continue to suffer one of the most brutal genocides of our time,” giit ng PPFA. “History will remember where these leaders stood, and what they chose to ignore.”



