(COURTESY: DICT)
Nakipagpulong ang mga opisyal ng Pilipinas sa executives ng communications platform na Discord matapos ipag-utos ng DICT kamakailan ang pag-ban sa nasabing app.
Ayon sa DICT, nangyari ang virtual meeting Martes ng gabi, October 7.
Kasama raw sa napag-usapan ang mga naging hakbang ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na i-ban ang Discord sa bansa.
Ipinatupad ang nasabing ban dahil sa talamak na kaso ng online grooming sa mga kabataan at ang pag-o-organisa ng mga tinatawag na Nihilistic Violent Extremists (NVE) na naiugnay sa mga banta ng pamamaril sa mga paaralan.
Sa nasabing pulong, humarap sina DICT Secretary Henry Aguda at CICC Assistant Secretary Alvin Navarro kina Discord Senior Public Policy Advisor Vasundhara Singh at Head of US Public Policy Allison Peters.
Sentro ng dayalogo ang paghahanap ng paraan kung paano direktang magbibigay ng access at suporta ang Discord sa gobyerno ng Pilipinas upang matukoy at matugaygayan ang mga malisyosong indibidwal.
Tinalakay din ang mga kongkretong hakbang upang imonitor at buwagin ang mga NVE na nagiging banta sa seguridad ng mga Pilipino.
Ang pagpupulong ay inorganisa ng Department of Foreign Affairs at ng Embahada ng Pilipinas sa Washington, D.C., at dinaluhan din ng mga imbestigador mula sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG).
Sa ngayon, patuloy ang operasyon ng Discord ngunit nagdulot ng matinding kritisismo ang pansamantalang ban dahil sa naging epekto nito sa mga gamer, freelancer, at iba pang gumagamit ng Discord para sa pag-aaral at kanilang kabuhayan.




