

Nag-deploy ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng iba’t ibang teknolohiya tulad ng Automated Weather Stations (AWS), satellite heat stress mapping, at Geographic Information System (GIS) upang tutukan ang epekto ng matinding init sa climate and environment systems ng bansa.
Ang hakbang ay kasabay ng patuloy na pag-iral ng matinding tagtuyot sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Batay sa pamantayan ng PAGASA, itinuturing na isang “Super El Niño” ang nararanasan kapag pumalo na sa 2.0 degrees Celsius o higit pa ang Sea Surface Temperature Anomaly (SSTA) sa central at eastern equatorial Pacific, na nagdadala ng higit na mas kaunting pag-ulan at matinding banta sa suplay ng tubig at agrikultura.
Ayon sa DENR, layon ng mga idineploy na teknolohiya na isalin sa terminong mas madaling amunawaan ang mga kumplikadong datos tungkol sa panahon at karagatan upang makapagbigay ng agarang alerto sa mga local government unit (LGU), water managers, at field personnel.
“In an era of accelerating climate extremes, timely information saves ecosystems and lives,” pahayag ni DENR Secretary Juan Miguel “Mitch” T. Cuna. Iginiit ng kalihim na pinalitan na ng DENR ang mga lumang “reactive measures” ng mas maagap na “precision early warning” upang protektahan ang kalikasan bago pa man mangyari ang matinding pinsala.
Sa Central Luzon, itinaas ng DENR Region 3 ang karagatan ng lalawigan ng Aurora sa Coral Bleaching Alert Level 1, gamit ang satellite data mula sa PAGASA at National Oceanic and Atmospheric Administration (NOAA) ng Amerika. Inatasan na ang mga opisyal sa Aurora, Bataan, at Zambales na imonitor ang mga bahura at i-report ang anumang insidente ng coral bleaching.
Sa Ilocos Region, nagtayo ang ahensya ng isang “Red Flag Alert System” na direktang nakakonekta sa PAGASA at mga lokal na disaster risk reduction and management office (DRRMO). Gumagamit ito ng 10 strategic ranger stations na may mga lookout tower upang maagang matukoy ang mga wildland fire.
Sa Mindanao, ginagamit naman ng Agusan Marsh Wildlife Sanctuary sa Caraga ang AWS upang bantayan ang pagbaba ng lebel ng tubig at imapa ang mataas na panganib ng sunog sa kanilang peatland. Bukod dito, araw-araw ding nakatutok ang mga tanggapan ng DENR sa Catanduanes at Masbate sa pagbabantay sa mga natutuyong sapa at kagubatan upang makapagbigay ng mga drought advisory at palakasin ang water conservation sa rehiyon ng Bicol.


