
Maglalabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng mas mahigpit na mga patakaran upang pigilan ang mga tanggapan ng gobyerno sa pagwawaldas ng pondo sa pamamagitan ng mga kaduda-dudang “planning sessions” bago matapos ang taon.
Sa sistema ng pamahalaan sa Pilipinas, nakagawian na ang tinatawag na “year-end spending rush” pagsapit ng ikaapat na quarter. Nagmamadali ang maraming ahensya na gastusin ang kanilang natitirang alokasyon upang maiwasan ang mababang budget utilization rate—isang panukat na madalas maging dahilan upang tapyasan ang kanilang pondo para sa susunod na taon kung hindi nila maubos ang kasalukuyang badyet. Bunsod nito, nauuwi ang bulto ng pondo ng bayan sa mga madaliang out-of-town seminar, team building, at strategic planning na ginaganap sa mga mamahaling hotel.
Sa kanyang pagdalo sa 58th Annual Conference ng Financial Executives Institute of the Philippines (FINEX) nitong October 9, pinuna ni Budget Secretary Kim Robert De Leon ang ganitong kalakaran at nagbabala sa mga ahensyang pilit inuubos ang pondo sa mga hindi kinakailangang gastusin.
“Especially now that we are in the fourth quarter, so surely there will be a surge in utilization because there will be parties left and right masquerading to be planning sessions,” pahayag ni De Leon.
Aminado ang kalihim na bagama’t nagsimula ito sa mga lehitimong direktiba para sa pagpaplano, lumawak at naabuso na ang pag-oorganisa ng mga strategic planning session ng ilang tanggapan. Tiniyak niya na malapit nang ilabas ang mga rebisyon sa spending policies upang higpitan ang paggamit ng pondo at mapanatili ang fiscal discipline sa buong burukrasya.
Bilang bahagi ng isinusulong na “results-oriented budgeting,” iginiit ni De Leon na mas titingnan ngayon ng DBM ang kalidad at resulta ng mga proyekto, sa halip na nakapokus lamang sa porsyento ng pondong nagastos ng isang ahensya.
“Don’t just look at, ‘We spent 98 percent of budget.’ On what? We’re looking at quality of spending. You may be spending less but producing more in terms of output and even outcome,” giit ng kalihim, sabay paalala na dapat gamitin ang pondo para sa mga lehitimong layunin na may malinaw na benepisyo sa mga Pilipino.





