Nagpiyansa si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste sa pamamagitan ng isang kinatawan kaugnay ng inilabas na warrant of arrest laban sa kanya para sa paglabag sa Public Service Act, ayon sa National Bureau of Investigation o NBI.
Batay sa kautusan ng Makati City Regional Trial Court (RTC) Branch 235 na inilabas noong Oktubre 5, 2026, itinakda ni Presiding Judge Ricardo Aglugub Moldez II ang piyansa sa halagang P72,000 para sa pansamantalang kalayaan ng mambabatas. Si Leviste ay sinampahan ng kaso dahil sa umano’y paglabag sa Section 25 ng Commonwealth Act No. 146, na inamyendahan ng Republic Act No. 11659, na nagpaparusa sa mga public utility na nabibigong tumupad sa kanilang mga obligasyon.
Kinumpirma ni NBI Director Melvin Matibag na nakatanggap sila ng abiso mula sa korte na nagpapatunay na nagbayad ng cash bail si Leviste gayundin ang mga co-accused nito.
“Nakatanggap kami ng order mula sa korte na nag-cash bail siya. May pinadalang representative including mga co-accused niya. So technically, nasa ilalim na siya ng hurisdiksyon ng RTC Court ng Makati,” pahayag ni Matibag, na sinabing maging siya ay nagtaka noong una kung paano nakapagpiyansa ang mambabatas gayong nasa labas ito ng bansa.
Nakatakda ang arraignment o pagbasa ng sakdal kay Leviste sa Oktubre 26. Gayunpaman, nagbabala ang NBI chief na hindi na maaaring gumamit ng kinatawan ang opisyal para rito at kailangan na nitong umuwi ng Pilipinas.
“He has to attend the arraignment on Oct. 26. Otherwise, he will be issued a bench warrant na hindi siya dumalo kasi personal na ‘yan,” babala ni Matibag.
Idinagdag pa ng direktor na kung mabibigo si Leviste na humarap sa korte sa nasabing petsa, magpapalabas muli ng bagong warrant of arrest laban sa kanya at maaari na siyang ituring bilang isang pugante (fugitive from justice).
Ang kinakaharap na kasong kriminal at inilabas na arrest warrant ay sumunod sa malaking isyung kinasangkutan ng kumpanya ni Leviste sa sektor ng enerhiya. Matatandaang pinatawan ng Department of Energy (DOE) ng P24-bilyong multa ang kanyang kumpanya matapos umano itong mabigong i-deliver ang napagkasunduang 12,000 megawatts ng suplay ng kuryente. - ULAT NI PAOLO BARCELON



