(COURTESY: Senate of the Philippines)
Kinumpirma ng isang kinatawan mula sa Bank of the Philippine Islands (BPI) na mayroong P40.65-million joint time deposit account sina Vice President Sara Duterte at former President Rodrigo Duterte.
Inilahad ni BPI Central Manila Branches Division Head Marwin Galvez ngayong araw, October 7, sa impeachment trial proceedings na binuksan ang nasabing account sa ilalim ng pangalan ng mag-ama noong January 22, 2010 sa BPI Julia Vargas branch.
Noong binuksan ang account, isiniwalat ni Galvez na mayroon itong principal amount na P40.65 million at na-renew ito nang 12 beses kaya lumobo ang pera sa mahigit P41.7 million.
Huling beses umano na-renew ang time deposit certificate noong February 11, 2011.
Ayon kay Galvez, “If a time deposit certificate matures and is no longer renewed, proceeds of the matured time deposit is credited to the settlement account.”
Dagdag nito, sa settlement account ng mag-ama sa BPI Julia Vargas branch pumasok ang mahigit P41 million na matured amount sa pamamagitan ng isang credit memo noong March 9, 2011.
Pinambili umano ito ng manager’s check noong araw din na ‘yon.
“You can say that it’s [manager’s check] as good as cash,” ani Galvez.
Matatandaang inakusahan ni dating Sen. Antonio Trillanes IV na may hindi idineklarang BPI Julia Vargas branch account sa SALN ang noo’y presidential candidate Rodrigo Duterte na naglalaman ng higit P200 million.
Una itong pinabulaanan ni Digong pero kalauna’y inamin na may account siya sa BPI Julia Vargas branch na naglalaman ng hindi aabot sa isang milyon.
Mga kinatawan ng iba’t ibang bangko ang tumestigo ngayong araw sa impeachment court sa kabila ng patuloy na pagdinig sa Article II ng Articles of Impeachment tungkol sa alegasyon ng pagtataglay ng unexplained wealth ni VP Sara.



