(COURTESY: Facebook/Supreme Court)
Hiniling ng PDP-Laban sa Korte Suprema na ipawalang-bisa ang naging resolusyon ng Senate Impeachment Court na nagpapababa sa bilang ng boto na kailangan upang ma-convict si Vice President Sara Duterte.
Sa inihain nilang Petition for Certiorari and Prohibittion noong Oktubre 6, kinuwestiyon ng mga petitioner ang pinal na proklamasyon ng Impeachment Court noong Setyembre 23.
Sa nasabing pagdinig, nagpasya ang Senado—sa pamamagitan ng 13-1 na boto, kung saan anim na senador-hukom ang hindi nakilahok—na ang kinakailangang two-thirds majority para sa conviction ay babasehin na lamang sa bilang ng mga senador na itinuturing na “ligal at pisikal na nakakalahok” (legally and factually capable of participating) sa proseso.


Binaligtad ng nasabing proklamasyon ng Impeachment Court ang orihinal na kautusan ng Presiding Officer noong Hulyo 6 na nagtatakda sa eksaktong 16 na boto bilang basehan. Sa ilalim ng Rule XXI ng Senate impeachment rules, idinekl
ara ng hukuman na ang bagong threshold na ito ang magsisilbing “controlling ruling” o pinal na panuntunan para sa nalalabing bahagi ng paglilitis, at iginiit na ang pinal na boto sa anumang artikulo ng impeachment ay hindi na maaaring ipa-reconsider.
Sa kabilang banda, iginiit ng mga petitioner, sa pangunguna nina Senator Robinhood Padilla at Senator Bong Go, na ang basehan ng bilang ay hindi dapat ibinababa o natitinag batay sa attendance, kundi nakapako sa itinakda ng Saligang Batas.
“This case is not about whether the Vice President should be convicted or acquitted,” saad ng petitioners sa isang pahayang na inilabas ng kanilang legal counsel na si Atty, Israelito Torreon.
“It is about the number the Constitution requires before any conviction can lawfully be rendered. The Constitution says two-thirds of all the Members of the Senate. With twenty-four Senators, that is sixteen,” dagdag pa ng petitioners,
Nauna nang ibinasura ng Korte Suprema ang tatlong petisyon laban sa kaparehong resolusyon noong Setyembre 30 dahil sa procedural grounds, tulad ng kawalan ng legal standing at pagiging pre-mature. Ngunit nilinaw nina Padilla at Go na magkaiba ang kalikasan ng kanilang petisyon dahil inihain ito ng mismong mga kasalukuyang senador-hukom, kung saan ang kanilang sariling boto at posisyon ay direktang apektado sakaling ibawas sila sa pangkalahatang bilang.
Pinangalanan naman bilang mga respondent ang Senado na tumatayong Impeachment Court, si Senate President Francis Escudero bilang Presiding Officer, at ang Kamara de Representantes. Kalakip sa petisyon ang hiling para sa Status Quo Ante Order at/o Temporary Restraining Order upang pansamantalang patigilin ang pagpapatupad ng bagong panuntunan habang dinidinig ang kaso.




