
Nasa 22.6% pamilyang Pilipino ang nakaranas ng gutom dahil walang makain mula June hanggang September 2026, mas mataas sa “record-high” na 21.1% noong 2020 sa gitna ng COVID-19 pandemic, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS).
Binubuo ang bilang na ito ng 16.2% ng mga pamilyang nakaranas ng “moderate hunger” at 6.4% na nakaranas naman ng “severe hunger,” ayon sa SWS.
Nakararanas ng moderate hunger ang isang pamilya kung minsan o ilang beses lamang sila nagutom sa loob ng tatlong buwan. Severe hunger naman ang tawag kung madalas o palaging gutom ang isang pamilya sa parehong panahon.
Kung ikukumpara sa nakaraang quarter, tumaas ng 2.3 percentage points ang antas ng gutom mula 20.3% noong June. Mas mataas din ito ng 2.4 percentage points kumpara sa 20.2% average noong 2025.
“The rise in hunger was due both to the increase in Self-Rated Poverty and Self-Rated Food Poverty between June and September 2026, and to the fact that hunger also rose among the Poor and the Food-Poor,” saad ng polling agency.
Tumaas sa 27.9% mula 24.5% noong June ang hunger rate ng mga self-rated poor o mga pamilyang nagsasabing mahirap ang kanilang kalagayan.
Samantala, umakyat din sa 33.2% mula 29.9% ang antas ng gutom sa mga self-rated food-poor o mga pamilyang nagsasabing hindi sapat ang kanilang kita upang matugunan ang pangangailangan nila sa pagkain.
Isinagawa ang Third Quarter 2026 Social Weather Survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 Filipino adults na may national sampling error margin na ±3%, ±4% sa Balance Luzon (Luzon outside Metro Manila), at ±6% sa Metro Manila, Visayas at Mindanao.


