
Kinumpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panibagong balasahan sa kanyang Gabinete, kabilang ang pagpasok ni PTV-4 general manager Lino Cayetano bilang pinuno ng Presidential Communications Office (PCO) kapalit ni Sec. Dave Gomez.
Bukod kay Gomez, inihayag din ng Pangulo ang pag-alis ni Henry Aguda sa pamahalaan, na naunang isinapubliko ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla dahil sa ginagawa nitong imbestigasyon ukol sa mga umano’y “ghost connectivity projects.”
Ayon kay Marcos, plano sana ng Palasyo na ilihim muna ang pag-alis ni Aguda hanggang sa makahanap ng pormal na kapalit nito, ngunit naunahan na sila ng anunsyo mula sa Ombudsman.
“Yes, but we were withholding that. No, we were holding it back until we found the... replacement, but the Ombudsman already spilled the beans before we were able to,” pahayag ng Pangulo sa kanyang isinagawang press briefing sa mga miyembro ng Malacanang Press Corps sa Singapore.
“I think that is because of the investigation that he’s conducting on the ghost connectivity projects. So we came at that news or that information from different directions. And so the timing was not coordinated,” ayon kay PBBM.
Bago pumasok sa gobyerno bilang opisyal na nakatutok sa digitalization at connectivity, nakilala si Aguda bilang isang matagumpay na tech executive sa banking and telecommunications sectors.
Samantala, nilinaw ng Pangulo na pormal na uupo sa PCO si Cayetano matapos hindi makalusot at ma-bypass si Gomez sa Commission on Appointments (CA).
Si Cayetano ay isang kilalang direktor sa telebisyon at pelikula, at dating nagsilbi bilang kinatawan at alkalde ng Lungsod ng Taguig mula sa tanyag na angkan ng mga Cayetano sa pulitika.
“Na-bypass eh. So I guess immediately... this place will be, Lino [Cayetano],” ani Marcos. “Yes, that’s more or less the situation. When you get back, it’s really just a question of formalizing everything.”
Sa kabilang banda, sinagot din ni Marcos ang mga usap-usapan hinggil sa umano’y paglilipat pwesto ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon.
Nauna nang lumabas sa ulat ng news site na Politiko na magkakaroon umano ng “swap” o palitan ng pwesto sa pagitan nina Dizon at Department of Transportation (DOTr) Secretary Banoy Lopez. Matatandaang mahigpit nang itinanggi ito ni Dizon sa mga nakaraang panayam at tinawag ang ulat bilang puro “tsismis” lamang.
Bagama’t iginiit ng Pangulo na walang mangyayaring paglipat sa kasalukuyan, hindi nito isinara ang pinto sa posibilidad ng mga susunod na pagbabago.
“Well, we’ve talked about, but no, I don’t know. No, right now it’s a no, but it’s not none of all of this is, you know, we can still change. We can still change,” tugon ng Pangulo.



