(COURTESY: Kaxandra Salonga / ABS-CBN News)
Muling ipinagpaliban ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) nitong Biyernes ang pagbasa ng sakdal o arraignment kay Bise Presidente Sara Duterte kaugnay ng tatlong kaso ng grave threats, habang hinihintay ang resolusyon sa mga nakabinbing mosyon ng kanyang kampo sa mababa at mataas na kapulungan ng korte.
Ayon sa legal counsel ni Duterte na si Atty. Paul Lawrence Lim, naghain sila ng “motion for partial reconsideration” upang hilingin na muling suriin ng korte ang bahagi ng naunang utos nito na nagbasura sa kanilang hiling na mag-inhibit sa kaso si Presiding Judge Maria Angelica De Ramos.
“Dahil kailangan papag-aralan ito ng ating kagalang-galang na hukom at pati dahil sa pending petition for certiorari sa SC [Supreme Court], minabuti ng presiding judge na pag-aralan muna ang lahat ng bagay na ito... i-cancel muna ang hearing at i-reset to some other date,” pahayag ni Lim sa mga mamamahayag.
Tumanggi si Lim na isapubliko ang panibagong petsa ng pagbasa ng sakdal bilang paggalang sa proseso. “Now that other date hindi ko muna babanggitin. Pasensya na. I would rather manggaling sa court or prosecution kung gusto nila, but to respect the court ayaw ko muna ibigay ang date ngayon,” dagdag niya.
Matatandaang unang na-reset ang arraignment noong Setyembre 11 matapos akusahan ng kampo ni Duterte ang hukom ng pagkiling, kung saan iginiit nilang tinulungan umano ni De Ramos ang prosekusyon. Ibinasura ito ng korte noong Setyembre 14, kaya’t napilitan ang kampo ng bise presidente na umapela muli sa pamamagitan ng partial reconsideration.
Ang mga kasong kriminal ay nag-ugat sa pahayag ni Duterte noong Nobyembre 2024 patungkol sa umano’y planong pagpapapatay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at noo’y House Speaker Martin Romualdez sakaling may mangyaring masama sa kanya.
Bukod sa mosyon sa QC RTC, umaasa rin ang kampo ni Duterte sa agarang aksyon ng Korte Suprema kaugnay ng inihain nilang petition for certiorari na humihingi ng temporary restraining order (TRO) upang tuluyang ipatigil ang pagdinig sa RTC.
Iginigiit ng mga abogado na walang hurisdiksyon ang RTC dahil hindi maaaring sampahan ng kasong kriminal ang isang opisyal na tulad ni Duterte nang hindi muna dumadaan sa impeachment.
“Until siya either ma-impeach or ma-convict by impeachment or mag-resign or bumaba sa kanyang pwesto... yan ang limited procedural immunity na hindi lamang ang bise-presidente ang nag-e-enjoy, lahat ng impeachable officer,” paliwanag ni Lim.
Nilinaw din ng abogado na nakadepende na sa magiging aksyon ng Korte Suprema at ng RTC judge kung matutuloy ang mga susunod na hakbang sa kaso.
“Depende na ‘yan kung maglabas ng utos ng TRO o status quo ante order ang SC. Kailangan nilang galangin ng hukom natin sa RTC. Pag hindi man ito ilabas, nasa hukom na ‘yan, RTC judge na ‘yan kung itutuloy pa rin niya ang arraignment or ide-defer pa rin niya habang inaabangan ang action ng SC,” saad ni Lim.
Dumating si Duterte sa QC Hall of Justice lulan ng isang van dakong 8:28 ng umaga. Bago umalis makalipas ang halos kalahating oras, sandali siyang nakisalamuha at nagpaabot ng pasasalamat sa kanyang mga taga-suporta at mga abogado para sa “masigasig na paggawa sa kanilang trabaho.”



