Nadagdagan ang mga Pilipinong hindi nasisiyahan sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., habang mas maraming Pinoy naman ang aprub kay Vice President Sara Duterte matapos tumaas ang kanyang approval rating sa kabila ng mga isyung kinakaharap ng dalawang pinakamatataas na opistal ng bansa.
Batay sa resulta ng The National Momentum Survey na inilabas noong Agosto ng survey firm na Momentum Research, lalong bumagsak ang net approval rating ni Marcos na umabot sa -18.9 percentage points, na mas mababa kumpara sa -13.9 points na naitala niya noong Hulyo.

Lumalabas na 57.4% ng mga Pilipino ang hayagang hindi pabor sa kanyang trabaho bilang pangulo, habang 38.5% lamang ang nananatiling nasisiyahan.
Sa kabilang banda, unti-unting nakababawi si Duterte matapos umakyat ang kanyang net approval rating sa +29.7 percentage points ngayong Agosto mula sa +21.6 points noong Hulyo. Nasa 61.4% ang sumasang-ayon sa kanyang performance bilang bise presidente, habang 31.7% ang hindi pabor.

Ayon sa Momentum Research, nakuha ng bise presidente ang matataas na rating mula sa mga Millennial (+51.1 percentage points o pp), Pro-Duterte (+86.9 pp), at mga indibidwal na may no formal education (+59.6 pp) o elementary education lamang (+51.2 pp).
Nananatili ring balwarte ng mga Duterte ang Mindanao, kung saan nakakuha siya ng 87.3 % ng approval at tanging 7.9 % lamang ang kontra sa bise.
Para naman kay Marcos, pinakamataas na ang kanyang suporta sa mga mas nakatatandang henerasyon, kung saan nakuha niya ang +8.6 points mula sa Gen X at +16.5 points sa Baby Boomers. Gayunpaman, bagsak ang kanyang marka at pumalo sa ilalim ng -40 percentage points ang nakuha niya mula sa Gen Z, Pro-Duterte, middle-income earners, LGBTQIA+, at mga nasa Mindanao.
Ang pagbulusok ng rating ni Marcos at pag-angat ni Duterte ay naitala sa gitna ng matitinding isyu sa bansa tulad ng flood control corruption scandal, pagtaas ng presyo ng bilihin, at ang kasalukuyang impeachment trial laban sa bise presidente.
Ang face-to-face survey ay isinagawa mula Agosto 18 hanggang 23 na kinabibilangan ng 1,487 respondents at may margin of error na ±2.5 percentage points.




