(COURTESY: SECURITY BANK / TOOKITAKI)
Naging susi ang kooperasyon ng Singapore-based tech firm na Tookitaki sa Security Bank ng Pilipinas para sa pagkapanalo ng bangko ng ‘Best Technology Implementation’ sa katatapos lamang na Asian Technology Excellence Awards 2026.
Ito ay matapos mag-team-up ang dalawang institusyon para i-level up ang anti-financial crime system ng Security Bank gamit ang artificial intelligence o AI.
Sa halip na pabilisin lamang ang pagproseso ng mga transaksyon, binago ng teknolohiya ng Tookitaki ang mismong kalidad ng pagtukoy sa mga security threats.
Isang pangunahing hamon sa mga bangko sa Pilipinas ay ang kumplikadong format ng mga pangalan—tulad ng paggamit ng apelyido ng ina sa gitna at ang pinaghalong apelyidong Chinese at Spanish ang origin. Madalas itong sinasamantala ng mga sindikato sa pamamagitan ng pag-iiba ng spelling ng kanilang pangalan sa mga dokumento upang makalusot sa mga tradisyunal na watchlist.
Gamit ang fuzzy matching at name re-ordering capabilities ng Tookitaki, agad naiintindihan at natutukoy ng AI ang mga nag-iibang spelling, pagkakasunod-sunod, at alyas ng mga indibidwal na konektado sa money laundering at scam networks.
Mahalaga ang mas mahigpit na sistemang ito upang maprotektahan ang pananalapi ng bansa, partikular ang pagpasok ng mga dolyar mula sa ibang bansa. Kabilang dito ang cash remittances ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na pumalo sa record-breaking na US$35.63 billlio noong 2025.
Ayon kay Tookitaki CEO Isabel Ridad, ang kanilang kooperasyon sa Security Bank ay nagsisilbing malinaw na ebidensya para sa pangangailangang palakasin ang anti-fraud systems sa Asian banking industry.
“When banks consider changing a core compliance control, they need evidence that the technology can materially improve detection in a live operating environment,” ani Ridad.
Dagdag pa ni Ridad, “Security Bank provides that proof for the Philippine market, with measurable outcomes from a regulated banking environment. It is the kind of customer evidence that matters as we work with financial institutions across Southeast Asia.”
Napapanahon ang pag-upgrade na ito kasunod ng tuluyang pag-alis sa Pilipinas mula sa “grey list” ng Financial Action Task Force (FATF) noong Pebrero 2025.
Inaasahang magiging batayan ang hakbang ng Security Bank upang patunayan sa mga pandaigdigang ahensya na epektibo at gumagana ang mga hakbang ng Pilipinas laban sa mga illegal banking transactions. - ulat ni Paolo Barcelon


