
Arestado ang 76 na dayuhan matapos salakayin ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang isang hinihinalang ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) facility sa Cubao, Quezon City nitong Sabado, Oktubre 12.
Ayon kay BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr., naaktuhan umano ang mga dayuhan na sangkot sa online scamming activities nang pasukin ng mga awtoridad ang pasilidad sa Barangay Socorro.
Base sa inisyal na imbestigasyon, binubuo ang grupo ng 74 Chinese nationals at dalawang mamamayan ng Myanmar.
Ang naturang operasyon ay pangalawang POGO raid na ikinasa ng ahensya sa loob lamang ng dalawang linggo. Bahagi ito ng agresibong pagpapatupad ng Republic Act No. 12312 o ang Anti-POGO Act of 2025, kasunod ng mahigpit na utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tuluyang buwagin ang industriya ng POGO sa bansa.
Tiniyak naman ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na hindi titigil ang kawanihan sa pagtugis sa mga dayuhang ginagamit ang Pilipinas para sa mga ilegal na aktibidad.
“The BI will continue its operations against illegal POGO activities. We remain committed to enforcing our immigration laws and supporting the government’s campaign against online scamming and other illicit operations,” pahayag ni Viado.
Sa kasalukuyan, sumasailalim na sa inquest proceedings ang mga naarestong dayuhan at kakaharapin ang proseso ng deportasyon. Kapag nailabas na ang deportation order, awtomatiko silang isasama sa blacklist ng BI upang tuluyan nang pagbawalan na makapasok muli sa Pilipinas.


