
Nasa 39% ng mga Pilipino ang hindi makapagsabi kung totoo o hindi ang paratang na may unexplained wealth si Vice President Sara Duterte, ayon sa September 2026 Pulse Asia Survey na inilabas ngayong araw, October 14.
Mas mataas ito kumpara sa 32% na naitala ng Pulse Asia noong July 2026.
Samantala, 30% ng mga Pilipino ang nagsabing hindi totoo ang alegasyon na may hindi maipaliwanag na yaman si Duterte. Mas mababa ang bilang na ito sa 38% noong July.
Naitala naman sa Mindanao ang pinakamataas na porsyento ng mga hindi naniniwalang totoo ang naturang alegasyon, na umabot sa 71%.
Nasa 29% ng mga Pilipino naman ang naniniwalang totoo ang paratang laban kay Duterte, mas mataas sa 27% na naitala noong Hulyo.
Sa apat na Articles of Impeachment laban kay Duterte, sa Article II na may kinalaman sa unexplained wealth na lamang lilitisin si Duterte.
Ito ay matapos bawiin ng prosekusyon kahapon, October 13, ang tatlong natitirang sakdal na may kinalaman sa confidential funds, bribery at grave threats.

Sa kabila ng nagpapatuloy na impeachment trial laban sa bise presidente, lumitaw din sa survey na hati ang pananaw ng mga Pilipino sa pagiging patas ng mga senator-judge sa paglilitis.
Ayon sa survey, 60% ang naniniwalang ilan lamang sa senator-judges ang magiging patas sa paglilitis sa impeachment case ni Duterte.
Nasa 20% naman ang naniniwalang magiging patas ang lahat ng senator-judge, samantalang 17% ang hindi nagtitiwala sa kanila.
Isinagawa ng Pulse Asia September 2026 Nationwide Survey on the Impeachment Case and Trial of the Vice-President mula September 17 hanggang 24 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 2,400 Filipino adults na may margin of error na ±2% at 95% confidence level.


