(PHOTO: Senate PRIB/Senate Social Media Unit)
Isa sa bawat tatlong Pilipino ang wala umanong alam sa mga paratang laban kay Vice President Sara Duterte sa kabila ng patuloy na impeachment trial proceedings sa Senado.
Ayon sa August 2026 National Momentum Survey ng Momentum Research na isinagawa mula Agosto 18 hanggang 23, Mindanao ang may pinakamataas na porsyento ng mga Pilipinong walang nabanggit na paratang laban kay Duterte na nasa 41.9%, habang sumunod ang Visayas sa 41.6%.
(PHOTO: Momentum Research
Samantala, ang maanomalyang paggasta sa confidential at intelligence funds ang pinakakilalang paratang laban kay Duterte ng dalawa sa bawat limang Pilipino o 38.7%.
Pinakamababa naman ang bilang ng nagbanggit sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte na nasa 6.7%.
Ilan pa sa mga nabanggit na paratang ng mga respondent ang tangkang pagpatay sa pangulo at kamag-anak nito (14%) at panunuhol o bribery sa mga kawani ng Department of Education (13.3%).
Ayon sa Momentum Research, na isang non-partisan research firm, isinagawa ang survey habang dinidinig ng impeachment court ang Article I ng Articles of Impeachment kaugnay sa alegasyon ng maanomalyang paggamit ng confidential funds ni Duterte.
“The awareness and perceived credibility of the impeachment charges, however, could still change as the public hears more evidence on the alleged unexplained wealth and bribery,” ayon sa research firm.
Isinagawa ang August 2026 National Momentum Survey nito sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,487 respondents na may national margin of error na ±2.5 percentage points at 95% confidence level. - ulat ni Audrei Mendador





